Pagiging matatakutin ni Yam nawala dahil sa horror movie

January 22, 2020

PALABAS na sa mga sinehan simula kahapon, araw ng Miyerkules, January 22 ang launching movie ni Yam Concepcion, ang horror film  na “Night Shift” mula sa imahinasyon at direksiyon ni Yam Laranas.  Ito’y  joint venture ng Viva Films at Alliud Entertainment.

Si Direk Yam ang writer-director ng ilang notable horror films tulad ng hit Metro Manila Film Festival movie na “Aurora” ni Anne Curtis in 2018, “The Road” in 2011 at ang “Sigaw” in 2004 na nakapag-uwi ng special award mula sa Brussels International Festival of Fantasy Film (BIFFF).

Although matatakutin in real life si Yam, nawala  umano kanyang takot, nerbiyos at kaba nang gawin niya ang “Night Shift” dahil na rin sa gabay ni Direk Yam ang iba pa niyang mga kasamahan sa movie  kahit nasa loob sila ng morgue ng isang pagamutan at kaharap ang maraming nakahilerang bangkay.

Bukod sa director at production staff, very supportive din umano ang mga co-actors ni Yam  sa movie tulad nina Michael de Mesa, Epy Quizon, Soliman Cruz at Ruby Ruiz.

Bago ang pelikulang “Night Shift,” hindi makakalimutan ng televiewers ang papel na ginampanan ni Yam bilang Jade sa hit primetime TV series na “Halik” na pinagsamahan nila nina Jericho Rosales, Sam Milby at Yen Santos nung isang taon.

Malapit na ring mapanood si Yam sa isang bagong TV series, ang “Love Thy Woman” kung saan din mga tampok sina Kim Chiu, Xian Lim, Christopher de Leon, Eula Valdez at marami pang iba.

Samantala, very proud si Yam sa kanyang movie na “Night Shift” na gusto niyang mapanood ng kanyang US-based boyfriend na si Miguel CuUnjieng na kamakailan lamang niya nakasama sa Hawaii.

She’s also looking forward to a busier year.