Pagmu-monitor ng ratings, labas sa trabaho namin -- Dingdong

November 14, 2018
Dingdong Dantes and Dennis Trillo

Walang balak makipagkumpetensiya ang mga bida ng Cain at Abel ng GMA-7 na sina Dingdong Dantes at Dennis Trillo sa makakatapat na programa sa ABS-CBN na FPJ’s Ang Probinsyano na tatlong taon nang namamayagpag sa ere.

“Siguro, we all agree na ’yung show na ’yun is in a league of its own and wala naman kami dito para makipagkumpetensiya kanino man.

“Kasi, naniniwala ako na ’yung mga manonood, may sariling... may iba-ibang ano ’yan, eh, gusto at iba’t ibang panlasa. And gagawin namin ang lahat para maibigay sa kanila ’yun,” pahayag ni Dingdong sa mediacon ng Cain at Abel last Tuesday.

Ayon naman kay Dennis, at first ay hindi nila alam kung saang time slot sila ilalagay at ang mindset lang nila ay makagawa ng isang de-kalidad na programa na kahit saan pa ilagay na oras ay makakalaban sila.

“Hindi kami umaasa na matatalo namin o anuman. Ang gusto lang namin ay makapag-offer ng magandang programa, alternatibong programa para sa mga manonood na nag-aantay ng mga bagong aabangan sa telebisyon.

“Dahil ngayon, ang dami nang magagandang content sa Netflix, Iflix, streaming videos, so gusto namin, makapanood sila ng ganu’ng quality sa free TV,” saad ni Dennis.

Asked kung may pressure ba sa kanila sa magiging ratings ng Cain at Abel, ani Dingdong, sa paggawa ng materyal sila mas nape-pressure.

“Sa tingin ko, ’yung material itself, ’yung hirap ng materyal gawin, do’n pa lang, pressure na sa amin ’yun. Mas gusto namin na nandu’n ang aming atensyon kesa sa kung anumang bagay, kasi ’yun naman ang trabaho namin, eh -- gampanan ’yung role, eh. Hindi naman para mag-monitor ng ratings,” sey ni Dong.

Ayon pa kay Dong, mas nate-tense siya working with Dennis dahil alam niyang napakahusay nitong aktor at baka magkamali siya.

“May times na mate-tense ako bago dumating sa set kasi alam kong si Dennis. Gaya ng sabi ko, nasundan ko ’yung mga trabaho niya. I know he always comes in prepared, so, parang kinakabahan ako na ayokong magkamali dahil siyempre, si Dennis ’yung nandu’n. Eh, minsan, nagkakamali ako, ‘sorry, sorry pare,’” kwento ni Dong.

Ayon naman kay Dennis, kinakabahan din siya working with Dong dahil director-level ang kaeksena niya.

“Alam ko, makilatis siya sa mga eksena pero, talagang wala siyang ibang ipinakita kundi talagang professionalism at siguro, ’yung pagiging metikuloso niya rin bilang direktor, talagang perfect talaga itong collaboration naming dalawa,” wika ni Dennis.

We learned na pang-apat na pagsasama na nina Dong at Dennis itong Cain at Abel. Pero ito ’yung masasabing silang dalawa talaga ang bida kaya naman aminado sila na sobrang na-excite sila nang malamang gagawin nila ang proyektong ito.

Magsisimula na sa Monday, Nov. 19, ang Cain at Abel at ito ang papalit sa Victor Magtanggol ni Alden Richards na magtatapos bukas, Nov. 16.