Pagpapatawad ni Cherry Pie sa pumatay sa ina, pinuri ng mga netizen

July 09, 2019
Cherry Pie Picache

NOONG nakaraang Linggo, napanood ang dokumentaryo ng ABS-CBN DocuCentral na “Radical Love,” na pinuri ng mga manonood at nag-trending sa Twitter. Napakaganda ng paglalahad ng kwento ng trahedya at pagpapatawad ng aktres na si Cherry Pie Picache sa pumatay sa kanyang ina. Good news sa mga hindi nakapanood nito na dahil mapapanood na ito sa iWant at ipalalabas ito sa Hulyo 14 ng 7 p.m. sa DZMM TeleRadyo at sa Hulyo 15 ng 7 p.m. sa ANC.

Binalikan ng “Radical Love” ang trahedya noong 2014, nang matagpuang patay sa pananaksak ang ina ng beteranong aktres sa bahay nito sa Quezon City. Ipinakita sa dokumentaryo ang pagluluksa ni Cherry Pie at kung paano siya dinala ng kanyang pananampalataya sa desisyong patawarin ang pumaslang sa inang si Zenaida Sison.

Sabi ng kilalang direktor at producer na si Joey Javier Reyes sa isang Twitter post, kahanga-hanga ang ginawang pagpapatawad ni Cherry Pie dahil hindi raw madali ang magpatawad, lalo na sa taong kumitil sa buhay ng isang mahal sa buhay.

“Just saw the documentary RADICAL LOVE in iWant. @Yescppicache finds the greatness of heart and the guidance of the Almighty to forgive the man who murdered her mother. This had me realizing the power of forgiveness. Watch it. #RadicalLove,” aniya.

Sa special screening ng “Radical Love” sa Dolphy Theater ng ABS-CBN noong nakaraang Linggo, ikinuwento ni Cherry Pie na nagdalawang-isip siya sa pagbabahagi ng kanyang kwento, ngunit nanaig ang kagustuhan niyang matulungan din ang ibang dumaraan sa sitwasyong katulad nito.

“Sana ay maalala natin kung ano ang tunay na pagmamalasakit, walang pasubali na pagmamahal, at pagpapatawad. Sana maalala rin natin na bigyang halaga at respeto ang kahit anong uri ng buhay. Para ito sa aking pamilya at sa lahat ng pamilya ng biktima ng mga matinding krimen,” aniya.