Pagpapawalang-sala sa kapatid ni Sen. Bong, iba-iba ang reaksyon

June 15, 2019

IBA-IBA ang reaksyon sa nangyaring pagpapawalang-sala ng Parañaque Regional Trial Court (Parañaque-RTC) Branch 274 kay Ramon Joseph "RJ" Bautista at limang iba pa, sa kasong pagpatay sa kanyang kapatid na si Ramgen Revilla na nangyari noong October 28, 2011 sa bahay nito sa Parañaque City.

Halos walong taong nakulong si RJ at mga kasama. Si RJ at ang pinatay na si Ramgen ay mga anak ng dating aktor-senador na si Ramon Revilla, Sr. sa dating That's Entertainment star na si Genelyn Magsaysay.

Hindi naman sinabi sa desisyon ng korte kung napawalang-sala rin ang isa pa nilang kapatid na si Ma. Ramona Bautista, na akusado rin. Nakalabas ng bansa si Ramona pagkatapos ng krimen.

Sa video clips na nakita sa TV news program, makikitang masaya ang mukha ni RJ. Mahirap tanungin sa pagkakataong ito ang iba pa nilang kapatid tulad ni Senator-elect Bong Revilla. Nasa pagitan sila ng mga kapatid na nagkaroon ng 'di pagkakaunawaan at masakit ito para sa kanila.

Samantala, hindi naman masaya ang dating girlfriend ni Ramgen na si Janelle Manahan. Ayon sa isang panayam, nagtataka siya sa naging desisyon ng korte. Sa huli, idinagdag niyang nangangamba siya sa kanyang buhay ngayon.