Panganay ni Pacman, gustong sumunod sa yapak ng ama

January 22, 2019
Jimuel Pacquiao

MUKHANG wala pang plano ang Pinoy boxing hero na si Sen. Manny Pacquiao na isabit ang kanyang boxing gloves matapos niyang talunin ang American boxer na si Adrien Broner sa isang unanimous decision nung nagkaraang Linggo nang umaga (Manila time), January 20 sa laban na umabot ng 12 rounds na ginanap sa MGM Grand Arena in Las Vegas, Nevada.

Ayon sa Pinoy boxing icon at politician, puwede umano siyang lumaban pa ng dalawa o tatlo bago siya tuluyang mag-retiro sa boxing ring.  At ang pinakaaabangan ng lahat ay ang rematch nila ni Floyd Mayweather na personal na nanood sa laban nina Pacman at Broner.

Sa laban nina Pacman at Broner, kumita umano  si Sen. Manny ng $10-M labas pa rito ang profit  percentage ng fight maging ang kita sa pay-per-view making him one of the richest (if not the richest) boxers sa buong mundo.

Samantala, mukhang hindi mapipigilan ng mag-asawang Sen. Manny at  Jinkee ang kanilang panganay na si Emmanuel `Jimuel’ Pacquiao, Jr.na sumunod sa yapak ng Pinoy boxing icon sa pagiging boksingero dahil ito ngayon ang kinahihiligan ng kanilang anak.

Kung dati-rati’y sa basketball ito nahihilig, ngayon ay sa boxing na at number one fan siya ng kanyang ama.

Binigyan na ni Sen. Manny ng go signal si Jimuel sa pagpasok nito sa boxing field kaya tuluy-tuloy ang ensayo nito ngayon.

Ang mag-asawang Manny at Jinkee ay may limang anak – sina Jimuel, Michael Stephen, Mary Divine Grace, Queen Elizabeth at Israel Pacquiao.