Pangangampanya ng anak ni Aiko inintriga

April 22, 2019
Aiko Melendez

HINDI dapat gawan nang intriga ang pag-eendorso ni Andre Yllana sa kandidatura ni Subic, Zambales Mayor Jay Khonghun sa pagka-bise gobernador ng probinsiya.

Kusa at hindi pinilit ang pag-endorso ni Andre sa boyfriend ng kanyang mommy Aiko. Sa kanyang Facebook post ay sinabi rin ng aktres na dedma sila sa intriga at negative na balita.

Ayon pa kay Aiko, close si Andre at ang kanyang Tito Jay Khonghun, at Gov. Jun Ebdane. Genuine daw at walang pilitan ang pag-endorse ni Andre. Sabi pa ni Aiko, kahit na may mga nega, tuloy ang laban nila para sa Zambaleno. Walang atrasan.

Naging close sina Andre at Mayor Jay dahil mga anak daw ang turing nito sa kanila ng kapatid na si Marthena Jickain.

Bago naman siya lilipad papuntang Amerika, magsosolo daw ng house to house campaigning si Andre sa ilang lugar sa Zambales upang tumulong sa pagpapaalam sa mga taga-doon sa plataporma at hangarin ng kanyang Tito Jay sa lalawigan.

Sa mga hindi nakakaalam, 20 anyos na si Andre at legal age na ito at botante na rin, hindi nga lang dun pero ikinagalak daw niyang maglaan ng oras para sa boyfriend ng ina.

Samantala, ikinatuwa naman ni Aiko na naging positibo ang resulta ng kanyang Facebook live kung saan isa-isa niyang binanatan ang kalaban ni Mayor Jay.

Mas lalo pa siyang nakakuha ng simpatiya mula sa mga taga-Zambales dahil nailahad niya kung gaano karumi maglaro sa pulitika ang kanilang kalaban.

Inisa-isang basahin ng aktres ang mag mensahe na nakarating sa kanya. Hindi man daw niya masagot ang lahat ng mga ito pero appreciated daw niya ang love at concern ng mga tao sa kanya.