Papel sa ‘Orange Dress,’ napagdaanan ni Echo

December 16, 2018

Script ang unang consideration ng lady producer na si Atty. Joji Alonso bago siya tumanggap ng anumang pelikula to be produced ng kanyang film outfit, ang Quantum Films.

Basta nagustuhan niya ang script, chances are papayag siyang isapelikula ito. Tulad na lamang ng The Girl in the Orange Dress na project ni Jay Abello.

“Iba ito. May romance at may humor pero ang treatment, iba. Hindi pa ito nagagawa sa anumang Pinoy movie before kaya nga gusto ko itong subukan kasi kakaiba,” wika pa ni Atty. Joji.

Para sa kanya, dapat may kakaibang hook ang script para magustuhan niya.

Mas maganda kung kilala niya personally ang nagpadala sa kanya ng script. May advantage kasi agad niya itong babasahin, kahit busy siya sa ibang bagay.

“When I read the script ng Ang Dalawang Mrs. Reyes, tawang-tawa ako kasi kakaiba ito. Ganito rin ang naramdaman ko sa script ng The Girl in the Orange Dress,” pahayag pa niya.

Perfect for their respective roles sina Jericho Rosales at Jessy Mendiola.

Isang sikat na artista si Jericho named Rye del Rosario habang isa namang happy-go-lucky girl si Jessy.

“Napagdaanan na ni Echo ang experience ni Rye sa movie kaya bagay na bagay siya for the role. Alam niya what it is like to be on top. Si Jessy naman has this innocent look pero nag-i-exude rin siya ng sensuality na kailangan for the role,” kuwento pa ng lady producer.

Showing na ang The Girl in the Orange Dress sa December 25 at official entry ito sa 44th Metro Manila Film Festival (MMFF).

Ito ay co-production venture ng Quantum Films, Star Cinema at MJM Productions.

Kasama rin sa movie, maliban kina Jericho at Jessy,  sina Sheena Halili, Hannah Ledesma, Rita Atayde, Nico Antonio, Via Antonio, Cai Cortez, Juan Miguel Severo at marami pang iba.