Pelikula nina Janno, Dennis at Andrew nag-hit

September 09, 2019

MASAYA ang Viva big boss na si Boss Vic del Rosario dahil malakas umano sa takilya ang bagong comedy offering ng Viva Films, ang “Sanggano, Sang-gago't Sanggwapo” na tinampukan nina Janno Gibbs, Andrew E. at Dennis Padilla na dinirek ng actor-director na si Al Tantay.  Ito’y nagbukas sa mga sinehan nung Miyerkules, September 4.

Samantala, marami ang nagtaka kung bakit hindi  nakita si Janno na nag-promote ng movie nila nina Andrew E. at Dennis sa mga programa ng ABS-CBN dahil parating ang dalawang nabanggit  lamang ang magkasama parati at wala ang mister ni Bing Loyzaga.  May problema ba si Janno sa Kapamilya Network?

Si Janno ang naging daan kung bakit nabuong muli ang tambalan nilang tatlo nina Dennis at Andrew E.  Kinausap umano ni Janno si Boss Vic (del Rosario) ng Viva at pumayag naman  na magkaroon sila ng reunion movie bilang  follow-up sa kanilang 1997 na ginawang pelikula, ang “Si Mokong, Si Astig at si Gamol” also under Viva Films na nag-hit din noon sa takilya.