Pinoy director wagi sa Asian Cinema Filmfest sa France

February 17, 2019

ANG indie movie na “Kung Paano Hinintay ang Dapithapon” (“Waiting for Sunset”) na siyang nanalong Best Film nung nakaraang 14th Cinemalaya Philippine Independent Film Festival (August 2018) na dinirek ng young filmmaker na si Carlo Catu ay pinarangalang Audience Choice Award last Tuesday, February 12 sa ika-25h Vesoul International Film Festival  of Asian Cinema sa France kasabay ang “African Violet” ni Mona Zandi Haghighi mula sa Iran.  Ang nasabing pelikula na tumatalakay tungkol sa love, companionship at forgiveness ng isang unmarried couple at dating mister ng babae ay tinampukan nina Perla Bautista, Dante Rivero at Menggie Cobarrubias.

Ang Angeles City, Pampanga-born director na si Carlo ay nagtapos ng Hotel and Restaurant Management course sa Holy Angel University (HAU) sa Angeles, Pampanga in 2014 pero nasa college pa lamang siya ay mahilig na siyang magdirek ng mga short film at kasama na rito ang “Lakbe” na kanyang isinali sa 2011 regional film festival na Cinekabalen Kapampangan Film Festival.

Ang kauna-unang full length  film na dinirek ni Carlo ay ang “My Life With A King” na prinudyos ng HAU.  Siya rin ang nagdirek ng “Mga Anak ng Camote” na kasama sa 2018 ToFarm Film Festival.  Ito’y tinampukan nina Katrina Halili, Alex Medina, Kiko Matos at Carl Guevarra mula sa panulat ni John Carlo Pacala.