Pip at misis na si Lyn tanggap na ang pagkawala ni TJ

November 24, 2018
TJ Cruz, Bodie Cruz, Tirso Cruz, Djanin Cruz and Lyn.

MAGKAKASAMA kami nina Gorgy Rula at Jerry Olea na nagtungo sa burol ni Teejay Cruz, panganay na anak ng mag-asawang Tirso Cruz III (Pip) at Lyn Cruz nung nakaraang Biyernes ng hapon sa Rizal Premiere Chapel ng Funeraria Paz sa  Sucat, Paranaque nung nakaraang Biyernes ng hapon.  Inabutan namin doon ang mag-asawang Pip at Lyn maging ang dalawa pa nilang mga anak na sina Bodie at Djanin.  Maya-maya lamang ay unti-unti nang nagsisidatingan ang mga bisita at makikiramay at kasama na rito sina Coney Reyes, Azenith Briones, Melissa de Leon-Joseph at iba pa.

Sandali naming nakakuwentuhan ang mag-asawang Pip at Lyn na parehong malaki ang ibinagsak ng katawan.  Ayon sa mag-asawa ay nung May 1, 2018 na-admit  sa St. Luke’s Medical Center – Global City si Teejay kung saan din siya nagta-trabaho as Patient’s Experience Officer  sa loob ng halos walong taon. Doon ay na-diagnose na siya’y may cancer sa lymphoma na nasa advanced stage na.  Tulad ng ibang may sakit na kanser, sumailalim si Teejay sa 4 cycle ng chemotherapy at iba pang treatment.  Sandali siyang lumabas ng pagamutan in September sa loob lamang ng apat na araw pero kailangan siyang ibalik ng hospital dahil sa kanyang continued fever at doon na siya binawian ng buhay nung umaga ng November 21, 2018.  Sa hospital na rin siya nagdiwang ng kanyang ika37th birthday last October 22 maging ang kanyang inang si Lyn last November 4.    Ayon kay Lyn, kakaiba itong nakaraang birthday niya dahil first time umano siyang hindi naalaalang bigyan ng kahit ano ng kanyang mister na si Pip at mga anak na sina Bodie at Djanin pero pagdating niya ng hospital ay halos matunaw umano siya nang abutan siya ng dalawang greeting cards ng maysakit na si TJ na kahit hirap nang magsulat ay nag-effort umano ito at naalaala ang kanyang birthday.  Naiyak umano siya sa ginawa ng kanyang panganay.

Sa mahigit anim na buwan nitong pakikipaglaban sa kanyang sakit, ipinakita umano ni TJ ang pagiging matatag at pagnanais na muling mabuhay pero days bago siya sumakabilang-buhay ay nagsabi na itong pagod na siya.  Ayaw din nina Pip at Lyn na makitang nahihirapan ang kanilang anak kaya pinayagan na nila itong `lumisan’ kahit masakit sa kanila and he passed on at 9:54 a.m. on November 21.  May taping dapat ng araw na `yon si Pip ng “The General’s Daughter” ng Kapamilya Nework pero hindi na niya ito napuntahan dahil sa pagpanaw ni Teejay.

Masuwerte ang mag-asawang Pip at Lyn dahil mababait ang kanilang taltong anak at pare-parehong may takot sa Diyos.

Sa gitna ng aming kuwentuhan ay hindi mapigil ng mag-asawang Pip at Lyn ang maiyak.

Kung matatandaan pa, si Pip mismo ay na-diagnose ng stage 2  cancer of the lungs  at sumailalim siya ng operasyon nung September 24, 2014 pero pagkaraan ng 20 araw na gamutan at treatment ay dineklara ng kanyang mga doctor na siya’y 100% cancer-free na kaya nakabalik siya sa taping ng kanyang tumatakbong TV series noon, ang “Hawak-Kamay”.  Magmula noon ay tuluy-tuloy ang trabaho ni Pip bilang isang actor pero never sumagi sa kanyang isip na mauuna sa kanya ang kanyang panganay na si Teejay.

“He’s now in a better place,” malungkot na pahayag ni Pip.

Kasama na niya in Heaven ang kanyang lolo’t lola (parents of Pip) at uncle na si Woody, ang nakababatang kapatid ni Pip na namatay sa isang freak accident.

Except for his wife na si Lyn at mga anak nilang sina Bodie at Djanin, ulila nang lubos sa mga magulang at kaisa-isang kapatid ni Pip at kasama na rin ngayon ang panganay niyang anak na si Teejay.

Ang mga labi ni Teejay ay nakatakdang i-cremate ngayong araw na ito ng Linggo at 2:00 p.m.  Balak muna nilang dalhin sa kanilang bahay in BF, Paranaque ang urn ni TJ at saka sila magde-decide kung saan nila ito ilalagak.