Proposal ni Jake kay Maxine, kinakiligan

May 23, 2019

INABANGAN ng televiewers ang mga maiinit na eksena ng Kapamilya seryeng “Los Bastardos,” kaya naman humataw ito sa bago nitong all-time high national TV rating na 19.6%, siyam na puntos na lamang sa katapat, ayon sa datos ng Kantar Media.

Tuluy-tuloy na sinubaybayan ang serye hanggang Lunes (Mayo 20), kung saan ipinakita naman ang madamdaming pag-aya ni Isagani (Jake Cuenca) ng kasal sa kasintahang si Isay (Maxine Medina). Lubos na kinikiligan ang eksena na umani pa ng sari-saring papuri mula sa netizens.

“May matinding chemistry sina Jake at Maxine bilang Isagani at Isay! Mararamdaman mo ‘yung matinding pagmamahal sa screen,” komento ng YouTube user na si SaGeForReal.

“OMG! Naiiyak ako and kinikilig habang pinapanood ang proposal ni Isagani kay Isay. Isay and Gani forever,” sabi naman ng isa pang YouTube user na si Pamela34.

Napapanood ang “Los Bastardos” tuwing hapon sa “Kapamilya Gold” pagkatapos ng “Kadenang Ginto."