‘Rainbow’s Sunset,’ lilibot sa filmfests abroad

January 05, 2019
Eddie Garcia, Gloria Romero & Tony Mabesa
Eddie Garcia, Gloria Romero & Tony Mabesa

Pagkatapos humakot ng 11 awards sa Gabi ng Parangal ng 44th Metro Manila Film Festival (MMFF) nung December 27 sa Solaire, nakatakda namang lumipad patungong Amsterdam, Netherlands ang family drama, LGBT-themed movie na Rainbow’s Sunset ng Heaven’s Best Entertainment para sa CinemAsia Film Festival mula March 5-10, 2019.

Ang Rainbow’s Sunset ay itinanghal na best festival picture at winner ng Gat Antonio J. Villegas Cultural award.

Kinilala rin sina Gloria Romero (best actress), Aiko Melendez (best supporting actress), Tony Mabesa (best supporting actor), Eddie Garcia at Max Collins (special jury prize winners for acting), best director (para kay Joel Lamangan) at iba pang technical awards.

As of the moment, showing pa rin ang Rainbow’s Sunset sa mahigit 90 theaters nationwide.

Pumapalo na rin ito sa box-office pagkatapos mag-uwi ng ’sangkaterbang trophies.

Mula sa pagiging kulelat sa unang araw ng pestibal, umakyat na ito sa number five sa box-office ranking at mula sa isang source, puwede pang ma-overtake ng pelikula ang pumapang-apat sa puwesto.

Maliban sa Amsterdam filmfest, iikot din ang Rainbow’s Sunset sa iba pang international filmfests this year.