Rannie tumatayong padre de pamilya sa mga Raymundo

October 24, 2019

NGAYONG ulila na sa ama, si Rannie Raymundo ang tumatayong ‘padre de pamilya’ sa kanyang biyudang ina, ang dating beauty queen at actress na si Nina Zaldua maging sa kanyang nakababatang kapatid na si Lance.

Ang kanilang ama na si Danilo ‘Nilo’ Raymundo ay sumakabilang-buhay may isang taon na rin ang nakakaraan.

“We are a closely-knit family kaya sobra kaming napaektuhan sa pagkawala ni Daddy,” pahayag ng singer-composer at original na nagpasikat ng awiting “Why Can’t It Be” nang ito’y aming makakuwentuhan recently kasama ang younger brother niyang si Lance.

“Dalawang taon ding nagkasakit si Daddy (of cancer) bago siya binawian ng buhay last year,” ani Lance.

“When our dad got sick, mas lalo kaming naging close sa isa’t isa.  Kapag wala kaming commitment ni Lance, we made it a point na nasa tabi kami ni Dad at never namang bumitaw sa kanya si Mommy until the very end,” patuloy ni Rannie.

Ang nakakatuwa sa pamilya Raymundo, they now stay in the same (high-end) condominium in Mandaluyong pero sa magkakaibang floor nga lamang.

Their mom’s unit is the biggest pangalawa kay Rannie with his own family – his wife and two daughters na pareho nang tapos sa kanilang pag-aaral at pareho nang may work habang mag-isa rin si Lance sa kanyang unit.  But they make it a point na parati nilang pinupuntahan ang kanilang mom sa unit nito at doon halos natutulog ang kanyang dalawang apo kay Rannie.

Ikinuwento din ni Lance na magmula nang magkaisip siya hanggang ngayon ay never umano silang nag-away ng kanyang nakatatandang kapatid na si Rannie.

“He’s a very protective big brother to me hanggang ngayon,” pagmamalaki pa ng singer-actor na may bagong Christmas single under Viva Records, ang kanyang sariling upbeat version ng “Silent Night”.

Inamin din ni Lance na isa umano siyang nerd until  high school at sobra umano siyang mataba kaya late na  lumabas at na-discover na may talent din pala siya sa singing at pagku-compose katulad ng kanyang multi-talented brother na si Rannie.

Si Rannie na isa ring actor ay naging miyembro ng music ministry group ng La Salle – Greenhills, ang Kundirana na siya ring pinagmulan ng maraming kilalang personalidad sa music industry tulad nina Gary Valencino, Ogie Alcasid, Dingdong Avanzado, Dingdong Eduque, Juan Miguel Salvador, Randy Santiago, Rowell Santiago, Louie Ocampo at marami pang iba.

Bukod sa pagiging solo artist and performer, si Rannie ay bahagi rin ng OPM Hitmen na kinabibilangan ng mga dating OPM hitmakers na sina Richard Reynoso, Chad Borja at Renz Verano na mapapanood ngayong gabi ng Biyernes, October 25 sa Music Museum.