Robin, nanghingi ng suporta para sa mga artistang martial artist

February 18, 2019
Robin Padilla

Bukas na ang showing ng Exit Point, ang action movie na pinagbibidahan ni Ronnie Ricketts. Siya rin ang sumulat ng story at director. Ang Rocketts Media Productions naman nila ng asawang si Mariz Ricketts ang producer ng movie.

Tumulong si Robin Padilla sa pagpo-promote ng movie by posting the poster in his Instagram (IG) account.

May header ang post ni Robin na “Real Action” at may mahaba siyang comment. Kinuha lang namin ang pinaka-importanteng parte.

“Bukas na po ang Exit POINT!! Minsan lang dumating ang ganitong pagkakataon. Isang matindi itong pelikula ng bakbakan kaya aking tinatawagan ang mga kasama at kapatid sa pelikulang Pilipino na magpakita ng suporta sa EXIT POINT masyado tayong naging matapang sa pagtawag ng boycott God willing ay maging matapang din tayo tumawag ng suporta para sa pagbabalik ng aksyon sa Pelikula.

“Wag na munang maging mga Kritiko! Napakaraming nagkakatrabaho dahil sa mga taong katulad ni Maestro Ronnie Ricketts na hindi tumigil sa paggawa ng mga Pelikula na may tunay na aksyon gamit ang tunay na mga mandirigma sa martial arts world, isa tayong alamat sa larangan ng self defense katunayan ang mga Tausog noong araw at ang kanilang Art na Silat ay naihahambing sa art at galing ng Spartan sa Greece. Ang ating eskrima, arnis de mano, at kali na kilala sa tawag na FMA ay gamit ng mga special force ng mga dayuhang bansa. We deserve a place in the world arena of martial arts movies.”

Nabanggit ni Robin na karamihan sa Warrior at Champion sa OFC puro Pilipino/Igorot. Kailangan daw natin suportahan ang mga artistang martial artist upang magkaroon tayo ng mukha sa martial arts world.

“Suportahan natin ang pagbabalik ni Maestro Ronnie Ricketts! Walang pulitika kundi suporta lang sa pagbabalik ng action movies. Mabuhay ang mga Manggagawa ng pelikulang Pilipino. Mabuhay ang lahing maharlika,” patuloy ni Robin.

Ilan sa mga kasama ni Ronnie sa Exit Point sina Alvin Anson, Jericho Estregan, Edgar Mande, Brandon Ricketts, Renzo Cruz, Neil Perez at Jackie Lou Blanco.  

Introducing ang anak ni Ronnie na si Raechelle Ricketts na mahusay din sa martial arts.