Rocco nagiging mapagmahal sa bayan

October 13, 2019
Rocco Nacino

NOONG nakaraang linggo, nagbigay ng isang mahalagang mensahe ang Kapuso actor na si Rocco Nacino sa mga estudyante ng De La Salle University Taft tungkol sa pagmamahal sa bansa at pagiging mabuting ehemplo sa kabataan. Kasama ang ilang miyembro ng Philippine Navy, ibinahagi ng Descendants of the Sun actor ang kaniyang mga personal na karanasan noong siya ay isa ring college student.

Nagpasalamat si Rocco sa oportunidad na ipinagkaloob sa kaniya ng unibersidad, “Thank you @dlsu for the warm welcome. Inspiring the youth for a better nation. Para sa bayan.” Noong Agosto, nagpa-enlist si Rocco bilang isang reservist sa Philippine Navy. Ayon sa kanya, childhood dream niya ito bukod sa pagiging doctor. Nakatulong din nang malaki ang mga naging training niya kasama ang ilang cast ng Descendants of the Sun para maisakatuparan ang pangarap niya na mag-enlist sa Navy.

Samantala, abala ngayon ang star-studded cast ng Descendants of the Sun sa taping ng kanilang serye. Puspusan ang kanilang paghahanda para sa Pinoy adaptation at marami na ang nag-aabang sa pagsisimula nito sa GMA.