Ruru, dinenay na GF si Bianca

January 31, 2019

Kakaiba ang loveteam nina Ruru Madrid at Kylie Padilla dahil sa simula pa lang, tanggap ng fans na hanggang “for reel” lang sila at never magiging real.

Sa Encantadia pa lang, boyfriend na ni Kylie si Aljur Abrenica, hanggang magkaanak sila at ikasal.

Hindi nga lang naging rason ang pagiging wife and mom ni Kylie para tumigil ng suporta ang KyRu fans sa kanila ni Ruru.

Ibinigay ng GMA News Public Affairs ang request na muling pagsamahin ang dalawa at ang resulta ay ang political rom-com na TODA One I Love na magpa-pilot sa February 4.

Sa teaser pa lang, ramdam na ang chemistry nina Ruru at Kylie na ipinagtataka at ipinagpapasalamat ng dalawa dahil sabi nga ni Ruru, “Hindi inasahan.”

Sa TODA, muling mamahalin ng televiewers sina Ruru at Kylie, hindi nga lang puro pakilig ang ibibigay nila dahil tutulungan nila ang voters na pumili ng mga tamang iboboto sa darating na midterm elections.

Sina Jeffrey Hidalgo at Nick Olanka ang dalawang director ng political rom-com series.

Samantala, nagsalita na si Ruru sa isyu sa kanila ni Bianca Umali na ang sabi, girlfriend na niya, hindi lang nila inaamin.

“Tungkol sa aming dalawa, hindi ko pa siya GF dahil mas focused kami sa work namin. Ginagawa ko itong TODA at si Bianca, ginagawa ang Sahaya. Bianca is one of the prettiest girls I know.

“Dahil sa isyu, naapektuhan ang friendship namin at pati kami ni Miguel (Tanfelix), nagkakailangan, but we are trying our best na ’di kami maapektuhan.

“Bago pa ang isyu, magkaibigan na kami ni Miguel dahil kay Direk Maryo (delos Reyes). Sana, mawala ang ilangan dahil magkakasama kami sa Sunday PinaSaya at para kaming iisang pamilya roon,” pahayag ni Ruru.