Sanya Lopez, makikipagkulitan sa Dear Uge

December 21, 2019

PATULOY ang pagpapakita ng Kapuso star na si Sanya Lopez ng kanyang versatility dahil matapos ang pagpasok niya sa action-drama series na Beautiful Justice, makikipagkulitan naman siya sa award-winning comedy anthology na Dear Uge ngayong Linggo. Sa Christmas special na pinamagatang ‘Simbang Tabi, Simbang Tabi’, bibida si Sanya bilang si Aya, isang simpleng babae na nangangarap na makapagtrabaho sa Canada. Alam ni Aya na ang tanging paraan upang matupad ang kanyang pangarap ay kumpletuhin ang Simbang Gabi at humiling sa pinakahuling gabi subalit makikilala nito si Edward – isang sakiting binata. Maging susi kaya si Edward sa kanyang mga pangarap o maging hadlang ito na makamtam ang inaasam na hiling? Makakasama rin ni Sanya sina Martin del Rosario at Denise Barbacena sa exciting Christmas special ng Dear Uge ngayong Linggo (Disyembre 22) pagkatapos ng Sunday PinaSaya.