Sen. Cynthia sa hirit na medical marijuana ni Catriona: It will take time

December 19, 2018
Cynthia Villar

DUDA si Senator Cynthia Villar kung male-legalize ang medical marijuana sa ’Pinas gaya ng hirit ni 2018 Miss Universe Catriona Gray sa katatapos na international beauty pageant na ginanap sa Thailand.

Sa Christmas get-together ng mga Villar (Sen. Cynthia at mga anak na sina Las Piñas congressional aspirant Camille at DPWH Sec. Mark Villar) sa entertainment media kahapon, sinabi ng senadora na Kongreso ang magdedesisyon ukol sa bagay na ito.

Paliwanag niya, “Alam mo naman, medyo conservative ang Philippines. They (Pinoys) do not look yet at marijuana as medicinal, they look at that as a type of drug, so medyo not smooth sailing sa Pilipinas ’yon.”

Ang alam daw niya, sinusubukan itong ipasa sa Kongreso, sa pangunguna ni Cong. Rodito Albano III ng Isabela.

Hindi raw siya aware sa sinasabi ng kapwa senador na si Tito Sotto na meron nang ganu’ng batas na existing sa bansa.

“In some parts of the US, like Los Angeles, allowed siya, medicinal.. pero ang mga Pinoy, may conservatism so ’di masyadong accepted. It will take time,” giit pa ni Sen. Cynthia.

Anyway, sa Linggo, December 23, lilipad ang buong pamilya para sa kanilang taunang Christmas vacation sa LA.

Dalawang linggo umano silang tatagal sa Glendale at babalik sa January 4, 2019.

Kwento ni Sen. Cynthia, 34 years na nilang ginagawa ito. Si former Sen. Manny, sinasamantala pa raw ang pagkakataon para dalhin sa US ang may 30-40 middle management employees nila na ’di pa nakakarating ng Amerika para na rin sa isang “educational tour.”

“Para makakita rin sila ng new development sa iba’t ibang lugar,” katwiran ng senadora.

Wala raw silang traditional Noche Buena o Medya Noche dahil sa labas lang sila kumakain tuwing Pasko at Bagong Taon.

Pag-amin niya, walang magaling magluto sa pamilya nila, kaya ang selebrasyon, nagaganap sa favorite Japanese restaurant o coffee shop ng pamilya sa LA.

Wala rin daw silang exchange gifts sa bawat isa, dagdag pa ni Sen. Cynthia, although nakagawian na niyang magregalo ng pera sa kanyang mga anak dahil “’yun naman ang gusto nila.”