Sen.Bong nagluluksa

March 30, 2020
Bong Revilla Jr.

NAGLULUKSA si Senator Bong Revilla, Jr. dahil sa pagpanaw ng isang trusted staff.

Masakit sa kalooban ni Bong ang pagkawala ng kanyang tauhan na itinuturing din niyang matalik na kaibigan dahil tumagal nang 30-years ang kanilang pagsasama.

COVID-19 ang ikinamatay ng tauhan ni Bong na hindi na binanggit ang pangalan bilang proteksyon sa kanya at sa pamilya nito.

Malungkot na malungkot si Bong dahil hindi siya nabigyan ng pagkakataon na makapagbigay ng huling respeto sa pumanaw na kaibigan.

“Everything was so fast and sudden. He has been with me mula sa pag-aartista ko hanggang sa public service - through ups and downs, thick and thin - tapos ngayon wala na siya.

“Salamat sa pagmamahal hindi lang sa akin kundi pati sa aking pamilya - asawa, mga anak, at mga apo - lalo na sa mga panahon ng matinding pagsubok hindi mo ako iniwan.

“Ngayon, napakabilis ka namang kinuha sa amin, at ni huling pamamaalam, hindi namin pwedeng ibigay sa'yo. Napakasakit,” ang emosyonal na pamamaalam ni Bong sa kanyang pinagkakatiwalaang staff at kaibigan.

Kapag COVID-19 ang ikinamatay ng isang tao, ipinapaki-cremate agad ang bangkay para hindi na kumalat ang virus.

Stay at home ang paulit-ulit na paalaala ng mga tao na namatayan ng mahal sa buhay dahil sa COVID-19. Iniiwasan  nila na maranasan ng iba ang nangyari sa kanila, solo na namatay ang kanilang mga mahal sa buhay na hindi na nila nakita at  hindi  na nabigyan ng maayos na burol at libing.