Showbiz lubhang naapektuhan ng covid 19

March 12, 2020

APEKTADO ang buong mundo ng banta ng COVID-19  dahil mabilis na nadagdagan ang bilang ng mga biktima ng kinatatakutang  sakit.  

Hindi exempted ang entertainment industry dahil ipinagpaliban ang playdate sa mga sinehan  ng mga foreign movie dahil takot ang publiko na manood ng sine.

Sa Pilipinas, maraming showbiz-related events ang nakansela, ang contract signing ni Janno Gibbs sa Viva Films, ang presscon ng Love The Way U Lie, ang story conference ng bagong pelikula ng Reality Entertainment, ang concert nina Ogie Alcasid at Ian Veneracion, ang Sinag Maynila Film Festival at iba pa.

Hindi imposible na mauso ang mga video conference para sa mga artista na may mga pelikula na hindi na puwedeng ikansela ang petsa ng pagpapalabas sa mga sinehan.

Mula nang kumpirmahin ng Department of Health na dumarami ang bilang ng mga positibo sa COVID-19, nagkaroon ng holiday vibe sa Metro Manila dahil lumuwag ang traffic situation sa EDSA, hindi na siksikan ang mga pasahero sa mga bus at MRT at hindi na crowded ang mga mall.

Kung may mga lugar na hindi kinatatakutan na puntahan ng mga tao, ito ay ang mga supermarket at grocery dahil nag-panic sila sa balita tungkol sa diumano’y  nakaamba na lockdown sa Metro Manila kaya nag-iimbak ng pagkain ang karamihan.