Showbiz personalities namumulaklak sa pulitika

May 10, 2019

DALAWANG tulugan na lamang at araw na ng halalan, ang May 13 mid-term elections kung saan 12 bagong senador, mga kongresista ng bawat distrito, marginalized partylist representatives, governors, board members, mayors, vice mayors and councilors ang pipiliin ng mga botante.

Sa tuwing dumarating ang election season ay hindi nawawala ang mga kandidato na nagmumula sa showbiz o entertainment business at marami  sa kanila ang masuwerteng  nahahalal. Ang pinaka-classic example ay ang re-electionist sa pagka-mayor ng Maynila sa ikatlong termino, ang 82-year-old na si Joseph ‘Erap’ Estrada na naabot na ang pinakamataas na position in the land, ang pagiging Pangulo ng bansa.  Maraming taon din siyang nanilbihang mayor ng San Juan, naging senador at Vice-President.  Hindi na rin halos mabilang ang mga taga-showbiz na pumalaot sa larangan ng pulitika at hindi naiiba ang 2019 mid-term elections.

Katunggali ni Erap ang kanyang dating vice mayor (na nagmula rin ng showbiz) na si Isko Moreno.

Ang kaisa-isang anak ng Movie King na si Fernando Poe, Jr. at Movie Queen na si Susan Roces na si Grace Poe  ay muling tumatakbo sa ikalawang pagkakataon bilang senador.

Ang tinaguriang Star for All Seasons-turned politician na si Rep. Vilma Santos-Recto ay nanilbihang mayor ng Lipa, Batangas ng siyam na taon at tatlong termino rin siya bilang governor ng Batangas bago siya naging kinatawan ng nag-iisang distrito ng Lipa.  Ngayon ay kandidato siyang muli bilang kongresista ng nasabing lugar sa ikalawang pagkakataon.

Ang current Senate President na si Tito Sen (Tito Sotto) ay nanilbihang vice mayor ng Quezon City bago siya naging senador habang ang mga anak niyang sina Romina, Diorella at Gian ay pumasok na rin sa pulitika with Gian (Tito Sen and Helen Gamboa only son) running for vice-mayor ng Quezon City at ka-tandem ng mayoral candidate ng siyudad na si Joy Belmonte.  Katunggali ni Gian sa pagka-vice mayor ng QC ang actor-comedian at Quezon City councilor na si Roderick Paulate.  Ang actor na si Alfred Vargas ay muling tumatakbo sa ikatlong termino bilang kinatawan ng 5th district ng Quezon City habang ang nakababatang kapatid ni Herbert Bautista na si Hero Bautista ay muling kandidato sa pagka-konsehal ng ika 4th district ng QC.

Ang award-winning actor-turned politician na si Yul Servo (John Marvin C. Nieto) ay nanilbihang konsehal ng tatlong termino bilang konsehal ng ikatlong distrito ng Maynila ay muling tumatakbo sa pagka-kongresista sa ikalawang pagkakataon sa ika-3rd district ng Maynila.

Hindi na muling tumakbo sa pagka-mayor ng Tacloban ang singer-actress-turned politician na si Cristina ‘Kring-Kring’ Gonzalez-Romualdez to give way to her husband, ang three-term mayor ng siyudad na si Alfred Romualdez.

Nanilbihang mayor ng San Juan at ngayon ay muling tumatakbo sa pagka-senador si Jinggoy Estrada gayundin si Bong Revilla na muling kandidato sa pagka-senador.   

Ang current vice-mayor ng San Juan na si Janella Estrada (anak ni former Sen. Jinggoy Estrada) ay siya namang kandidato ngayon sa pagka-mayor ng San Juan. Reelectionist naman sa pagka-senador si Sen. JV Ejercito, kaisa-isang anak ni Mayor Erap sa outgoing mayor ng San Juan na si Mayor Guia Gomez (na dati ring artista).  Kandidato rin bilang konsehal sa isang distrito ng Maynila ang isa sa mga anak ni Manila Mayor Erap na si Jerika Ejercito.  Muling kandidato sa pagka-gobernor ng Laguna ang actor-politician na si E.R. Ejercito habang ang kanyang misis na si Maita Sanchez (Girlie Javier-Ejercito) na magtatapos ang ikatlong termino bilang mayor ng Pagsanjan, Laguna ay bababa sa pagka-vice mayor habang ang anak nila ni E.R. na si John Paul (Jef) Ejercito ay kandidato ngayon sa pagka-mayor ng Pagsanjan.  Ang nakababatang kapatid (half-brother) ni E. R. na si Gary Estrada ay kandidato naman sa pagka-vice mayor ng Cainta, Rizal.

Ang mag-amang Lito Lapid at Mark Lapid ay parehong kandidato sa magkahiwalay na posiyon. Gustong magbalik-senador si  Lito Lapid at tumatakbo naman sa pagka-mayor ng Porac, Pampanga ang mister ni Tanya Garcia na si Mark.

Ang actor-politician na si Daniel Fernando na nagsilbing vice-governor ng Bulacan sa loob ng siyam na taon ay kandidato ngayon sa pagka-governor ng Bulacan.  Successful din ang political  career ng actor na si Danilo ‘Dan’ Fernandez na nanilbinghang Board Member ng ika-4th district ng Laguna, Vice-Governor, kinatawan ng ika-1st district ng Laguna at ngayon ay mayor ng Sta. Rosa.

Ang actor at ama ng matinee idol na si Daniel Padilla na si Rommel Padilla, incumbent Board Member ng 1st district ng Nueva Ecija ay
tumatakbo ngayon sa pagka-kongresista para sa unang distrito ng nasabing lugar.

Ang actor-turned politician na si Monsour del Rosario na ngayon ay kinatawan ng unang distrito ng Makati sa kongreso ay tumatakbo sa pagka-vice mayor ng Makati, ang posisyon na dating tangan in 1998 ni Edu Manzano.