Singer mula sa aquatters area, sikat na

January 20, 2019
Katrina Velarde

INTRIGUING ang title ng first major concert ng tinaguriang `Suklay Diva’ na si Katrina Velarde na “SiKat Ako” na may double meaning – SiKat Ako  na ang ibig sabihin na I am Kat from her name Katrina habang ang isa naman ay proud statement na `I am popular’.

Si Kat ay naging popular online dahil sa kanyang paga-upload ng kanyang songs hawak-hawak ng isang suklay na ginawa niyang prop as microphone kaya dito niya nakuha ang taguring na `Suklay Diva’ dahil tumatak ito sa netizens bukod pa ganda ng kanyang boses

Para sa 25-year-old singer-performer at Viva recording artist, unti-unti na umanong natutupad ang kanyang mga pangarap dahil na rin sa suporta ng kanyang pamilya, ng mga taong naniniwala sa kanyang kakayahan at ng kanyang vast followers hindi lamang sa social media kundi sa kanyang mga supporters at tagahanga who would regularly troop to Music Hall in Metro Walk – Ortigas para lamang mapanood siyang mag-perform.

Hindi ikinakaila ni Katrina ang pagiging isang single mom ng kanyang almost three-year-old son. Nagmula siya sa isang mahirap na pamilya na siya niyang naging inspirasyon para magsikap.

Isang magsa-sampaguita ang kanyang ina at isa namang karpintero ang kanyang ama at pang-apat naman siya sa anim na magkakapatid.  Ang kakarampot na kita ng kanyang mga magulang ay hindi magkasya sa kanilang pang-araw-araw na gastusin kaya at an early age ay ginamit niya ang kanyang talento sa pag-awit para sumali sa iba’t ibang amateur singing contest. Karamihan dito ay nangyayari sa mga fiesta at umaabot umano siya sa mga probinsya tulad ng Batangas para sumali sa mga singing contest.

Dating nakatira sa isang squatters area in Tondo si Katrina at ang kanyang pamilya pero ngayon ay nangungupahan na sila ng isang apartment in Novaliches, Quezon City. Pero sa susunod na taon ay makakalipat na sila sa hinuhulugang townhouse in Caloocan City.  Bukod sa bahay, next project naman niya ang pagkakaroon ng sarili niyang sasakyan na kailangan niya sa kanyang trabaho bilang singer.

Sina Angeline Quinto, Charice Pempengco  (na Jake Zyrus na ngayon) at KZ Tandigan ay mga kapanabayan ni Katrina sa pagiging kontesera. Pero mas naunang nagkapangalan ang dalawa matapos maging grand winner si Angeline sa “Star Power” ng ABS-CBN in 2011 habang si KZ naman ang grand winner sa “The X-Factor Philippines” in 2012 kung saan din contestant si Katrina.

Hindi man nanalo si Katrina sa unang season ng “The X-Factor Philippines” ay napansin siya ng isa sa four judges na si Gary Valenciano who became her mentor at naging daan niya para siya’y mapabilang sa pamilya ng Manila Genesis Company na pinamumunuan ng misis ni Gary V. na si Angeli Pangilinan-Valenciano,  She is now being co-managed by Manila Genesis and Viva Artists Agency (VAA).

Sa kauna-unahang major concert ni Katrina sa New Frontier Theater (dating KIA Theater) on February 1 na pinamagatang “SiKat Ako” ay magiging special guests niya si Gary V. along with BuDaKhel (na binubuo nina Bugoy Drilon, Darryl Ong at Michael Pangilinan), Adlib Dancers at iba pang surprise guests.  Ito’y nakatakdang idirek ni Paolo Valenciano with Mon Faustino as musical director.

Habang papalapit na ang February 1 concert ni Katrina sa New Frontier Theatre ay inilabas naman ng Viva Records and kanyang 3-track mini-album na may pamagat ding “SiKat Ako.” Naglalaman ito ng mga awiting “Ikaw Pa Rin,” “Kung Naging Tayong Dalawa” at “Tama Na" which could be streamed online from Spotify and downloaded from iTunes.

Ang “SiKat Ako” concert ay jointly produced ng Manila Genesis Entertainment and Management, Inc. at ng Viva Live.