Star politicians matuto sanang tumanaw ng utang na loob

May 15, 2019

MATAPOS buwagin ng ilang kabataang politician ang ilang matatawag na matitibay na pader sa mundo ng pulitika, masasabing ito na nga ang panahon ng pagbabago.

Pero ang pagbabago ay nag-uumpisa pa lang sa pagpapalit ng mga namumuno. Hindi pa natin nakikita ang mga pagbabago na tunay makaaapekto ng buhay o kapakanan ng mamamayan.

So aabangan kung ano nga ang mangyayari sa Pasig (bukod sa pangakong Sugod Bahay ng Eat Bulaga) sa bagong pamumuno ng batambatang si Vico Sotto, 29 year-old na anak nina Vic Sotto at Coney Reyes, gayundin sa Maynila sa magiging pamumuno naman ni Isko Moreno.

Titingnan din kung may bagong magagawa si Joy Belmonte bilang bagong mayor ng Quezon City kasama ang bata pa ring vice mayor na si Gian Sotto, anak ni Senador Tito Sotto at Helen Gamboa.

Nakatuon din ang mga mata kay Direk Lino Cayetano na bagong mayor ng Taguig, at kay bagong Mayor Andrea 'Andeng' Bautista-Ynares (na dati ring child actress at kapatid ng nananalo pa ring senador na si Bong Revilla) ng Antipolo.

Susubaybayan pa rin ang magagawa ni Alfred Vargas na nanalo pa ring congressman sa Quezon Ciy, at ang Star for All Seasons na si Vilma Santos sa Batangas.

Lahat sila ay galing sa showbusiness, bilang sila o sa dugo lamang nila, at aminin man nila o hindi, nakatulong sa kanilang political career ang katotohanang ito. Kaya naman sana, makapag-ambag man lang sana sila ng kahit maliit na positibong bagay para sa showbiz. Kung anuman 'yon, kahit paano ay makababayad na sila ng utang na loob.