Star power ng mga sikat 'di umubra sa ama

May 21, 2019
Toni and Alex Gonzaga

HINDI umubra ang popularidad at impluwensya ng ilang mga bigatin sa showbiz sa nakaraang eleksyon.

Sa kabila ng pagiging sikat ni Daniel Padilla, natalo pa rin ang ama nito na si Rommel Padilla na tumakbo bilang First District Representative sa Nueva Ecija.'Yan din ang sinapit ng ama nina Toni at Alex Gonzaga. Hindi nasungkit ni Bonoy Gonzaga ang puwesto sa pagiging mayor ng Taytay, Rizal.

Maging mga taga-showbiz na mismong kumandidato, hindi rin naging sapat ang kanilang pagiging sikat. Ilan sa mga 'di sinuwerte ay sina Freddie Aguilar, Edu Manzano, Richard Yap, Roderick Paulate, Mark Lapid, Jan Marini, Long Mejia at iba pa. Sa sinapit ng kanilang kandidatura, marahil napatunayan nila na hindi sapat ang popularidad.

Aminin o hindi, ginagawang option ang pulitika ng ilan sa mga artista 'pag laos na sila at wala nang projects. Akala nila iboboto sila dahil kilala sila. Kaya nakakabilib 'yung mga artista na nag-aaral muna bago sumabak sa public governance. Nag-e-enrol sila sa mga kurso na may kaugnayan sa public administration. Gaya nina House of Representative-relect Vilma Santos-Recto, Mayor-elect Richard Gomez, House of Representative-elect Lucy Torres-Gomez, Mayor-elect Isko Moreno at iba pa. Pinapatunayan lang nila na may respeto sila sa kanilang constituents. Kaya inaaral nila kung ano ang trabaho ng isang public servant.

Sa kabila nito, bakit marami pa ring pulitiko ang gustong mag-showbiz at magkaroon ng relasyon sa mga artista? Just asking...

Disclaimer:

Malaya ang sino man o concerned parties para sa anumang paglilinaw o karagdagang komento at reaksyon. Makipag-ugnayan lamang sa Just Asking thru 0905-558-4811 or email us at justasking_pj@yahoo.com.