Sunday pinasaya malulungkot na

December 06, 2019

KUMPIRMADO nang hanggang December 22, 2019 na lamang mapapanood ang Sunday musical-comedy show na “Sunday Pinasaya” na produced ng APT Entertainment for GMA.  Ang programa ay nagsimulang umere nung August 9, 2015 at naging kapalit ng “Sunday All Stars” ng GMA na nagtapos naman nung August 2, 2015.

Apat na taon at kalahati umabot ang “Sunday Pinasaya” at magtatapos ito na consistent pa rin sa pagiging top-rater.  Ang programa ay pinangungunahan nina Ai-Ai de las Alas, Marian Rivera, Jose Manalo, Wally Bayola at Alden Richards kasama ang iba pang talents.

Hindi na umano ni-renew ng GMA ang kontrata ng APT Entertainment dahil gagamitin ang time slot sa kanilang panibagong  in house musical variety show na wala pang titulo.

Personal na kinausap ng big boss ng TAPE, Inc., APT Entertainment at Triple A Management na si Mr. T (Tony Tuviera) ang lahat ng bumubuo ng programa from the hosts and cast down to the production people and crew sa pagtatapos ng programa na ikinalungkot ng lahat lalupa’t hindi na ito umabot ng Pasko at Bagong Taon.

Gayunpaman, masaya ang lahat dahil magtatapos sa ere ang “Sunday Pinasaya” na consistent na mataas ang rating nito at hindi sa rason na kaya sila mawawala sa ere ay dahil hindi ito nagi-rate.

Samantala, kung magpapaalam na sa ere ang “Sunday Pinasaya,” ganoon din ang mangyayari sa “Studio 7” ng GMA dahil karamihan (if not all) ng kasama sa nasabing programa ay mapapabilang sa bagong magsisimulang Sunday musical variety show ng Kapuso Network.