Super Tekla humingi ng tawad at tulong kay Willie

July 05, 2020
Super Tekla

PATULOY pa ring humihingi ng panalangin at financial help ang actor-comedian at TV host na si Super Tekla (Romeo Librada) para sa kanyang bagong silang na anak na si Baby Angelo na isinilang na may anorectal malformation.  Ang baby ay sumailalim ng colostomy operation last June 26 pero sasailalim pa umano ito ng bagong operasyon.

Dahil may ilang buwan na ring walang trabaho si Super Tekla dahil sa pandemya, nasaid na rin ang kanyang pera at umaasa na lamang sa tulong ng mga kaibigan at kasamahan sa industriya.  Isa sa tumulong sa kanya ang ang game show host-producer na si Willie Revillame na unang nagbigay sa kanya ng break nang gawin siyang co-host ng “Wowowin”.

Nawala si Tekla sa Wowowin matapos silang magkaroon ng ‘di pagkakaunawaan ni Willie. Pero humingi ng paumanhin si Tekla at mabilis naman siyang pinatawad ni Willie.

Ang Kapuso talent na si Lovely Abella at partner ni Benj Manalo (ang actor son ni Jose Manalo) ay nagkaroon ng online  benefit auction ng kanyang mga branded items kahapon, Saturday, July 4 ng gabi at ang kinita ay mapupunta para sa second operation ni Baby Angelo.

Ang anak ni Super Tekla na si Baby Angelo ay kasalukuyang naka-confine pa rin sa Philippine Children’s Hospital in Quezon City.

Si Tekla na napagkakamalang gay dahil sa kanyang roles ay isang straight guy.  Meron din itong isang anak na babae sa kanyang ex-wife na si Irene Gonzales.

Nasa pangangalaga si Tekla ng GMA Artists Center at co-host ni Boobay sa comedy talk show na “The Boobay and Tekla Show.”