‘Tala' ni Sarah nakapagtala ng bagong record sa Billboard

January 19, 2020
Sarah Geronimo

NAPAKAGANDA ng pagtatapos ng 2019 at pagpasok ng bagong taon sa Pinoy pop superstar na si Sarah Geronimo dahi sa muling pagkabuhay ng kanyang 2016 hit dance song na “Tala” na magkatulong na kinompos nina Nica del Rosario at Emmanuel Sambayan.

At pinasasalamatan ni Sarah ang kanyang LGBT community fans dahil ang mga ito ang dahilan kung bakit naging viral sa social media ang kanyang four-year-old hit song plus her music video hanggang sa ito’y maging dance craze at mabuo ang “Talanation” on “ASAP Natin `To” nung nakaraang January 4.

In fairness to Sarah, napakaganda ng kanyang dance execution ng “Tala” which was choreographed by Teacher Georcelle ng G-Force.  Bukod kasi sa magandang boses ni Sarah, napakagaling at napaka-graceful niyang sumayaw. Maganda pati ang pagkaka-direk ng music video.

Habang patuloy pa ring ginagawang dance challenge ang “Tala” ni Sarah all over the Philippines maging ng mga kilalang celebrities,  hindi naman inaasahang papasok ito sa  World Digital Song Sales Chart ng Billboard sa kauna-unahang pagkakataon na agad pumalo sa No. 12 position.  Kung hindi kami nagkakamali, first time pumasok sa World Digital Song Sales Chart ng Billboard ang isang song by a Filipino artist at gumawa si Sarah ng bagong kasaysayan sa music world.

Tiyak namang very proud ang fiancé ni Sarah, ang athlete, singer-actor and entrepreneur na si Matteo Guidicelli sa bagong achievement ng kanyang fiancée.

Samantala, tiyak na kakantahin at sasayawin ni Sarah ang “Tala” sa kanilang “Unified” two-night Valentine  concert ng Asia’s Songbird na si Regine Velasquez sa Big Dome on February 14 & 15, 2020.