Tinanggihang singer sa 'idol,' sinalo

May 22, 2019

MARAMI ang na-disappoint  para sa isang contestant ng “Idol Philippines,” ang 21-year-old from Tuguegarao City na si Luke Baylon na hindi pinaboran ng tatlo sa apat na judges na sina Vice Ganda, Moira de la Torre at James Reid kaya hindi nakaabante sa next level.  Tanging si Regine Velasquez lamang ang pumabor sa kanya.  Kinanta ni Luke ang sarili niyang version ng “If I Ain’t Got You” ni Alicia Keys in reggae style.

Hindi man pinalad si Luke sa kanyang unang attempt sa “Idol Philippines,” napansin naman siya ni Jose Villanueva III na mas kilala sa music industry as Quest, ang Filipino singer, rapper at composer who has two successful albums, ang “Revolution” at ang “Life of a Champion” kung saan hango ang kanyang dalawang hit songs na “Sige Lang” at “Walang Hanggan.”

Ang awiting “Sige Lang” ay ginawang theme song ng basketball team na Gilas Pilipinas in 2012.

Nang mapanood ni Quest ang audition performance ni Luke sa “Idol Philippines ay agad niya itong kinontak at nung nakaraang Biyernes ay nag-usap ang dalawa at doon nabuo ang kanilang collaboration.  

Si Luke ay may kinikillalang tatlong ina, ang kanyang biological mother na isang labandera, ang unang umampon sa kanya at amo ng kanyang ina at ang mula sa kanyang ikatlong pamilya na siya pang gumawa ng paraan na mahanap ang kanyang biological mother.

Ang hiling lamang ng kanyang biological mother kay Luke ay makilala siya at mabisita paminsan-minsan.

Ang buhay ni Luke ay pang -MMK ni Charo Santos.