Toni nalungkot nang maiwan ang dating kasama

May 17, 2019
Toni Gonzaga

KAHIT nag-reformat na ang long-running weekly sitcom na “Home Sweetie Home” na sinimulan nina John Lloyd Cruz at Toni Gonzaga nung January 5, 2014 at ginawa na itong “Home Sweetie Home: Extra Sweet” with only Toni, Miles Ocampo, Clarence Delgado at ang child star na si Jordan Ford ang na-maintain sa original cast, umaasa pa rin si Direk Edgar `Bobot’ Mortiz na sana’y mag-guest man lamang si John Lloyd sa program balang araw na siya ring wish ni Toni.

Bukod kay Direk Bobot na siya ring director ng programa, ang mga bagong karagdagan sa “Home Sweetie Home: Extra Sweet” ay sina Luis Manzano, Alex Gonzaga, Vhong Navarro, Bayani Agbayani, Rio Locsin at ang dalawa sa Big Four ng Pinoy Big Brother: Otso (Adult edition) na sina Fumiya Sankai at Yamyam Gucong.

Inamin ni Toni na akala niya ay mawawala na ang sitcom nang siya’y ipatawag ng management pero laking gulat niya nang sabihin sa kanya ang bagong plano para sa programa at kung sinu-sino ang mga bago niyang makakasama kaya sobra umano siyang nagpasalamat.  Inamin din niya na kahit masaya siya sa mga bago niyang kasama ngayon sa programa ay nakaramdam din umano siya ng lungkot para sa mga dati niyang kasamahan dahil naging pamilya din umano sila sa loob ng mahigit limang taon.

Although nagkasama na sila ng younger sister na si Alex Gonzaga sa pelikulang “Mary, Mary Me” sa 2018 Metro Manila Film Festival at magkasama sila ngayon sa “Pinoy Big Brother: Otso,” first time nilang nagkasama sa isang sitcom na talagang forte ni Alex.

Sa pagsisimula ng bagong reformat na “Home Sweetie Home: Extra Sweet” last May 11 ay agad itong nakakuha ng 37.2 percent laban sa katapat nitong programa.