Tunay na ama, wala sa kasal ni Lotlot

November 22, 2018
Lotlot de Leon

SA December 17 ay ikakasal na si Lotlot de Leon sa  Lebanese fiancée na si Fadi El Soury at ilang araw na lang din ang hinihintay nila.

Pangalawang kasal na ito ni Balot (tawag kay Lotlot) dahil matatandaang nagpakasal na siya noong 1989 kay Ramon Christopher Gutierrez na na-annul noong 2008.

Nagkaroon sila ng apat na anak -- sina Janine, Diego, Maxine at Jessica.

Pero ani Lotlot, nakakanerbyos pa rin kahit second time na niya ito.

“Ninenerbyos ako kasi siyempre, nu’ng unang kasal ko naman, wala naman akong kinalaman sa pangyayari. Parang nag-attend lang ako,” natatawa niyang sabi nang makatsikahan namin sa taping ng Asawa Ko Karibal Ko, her ongoing drama series sa GMA-7 kasama sina Rayver Cruz at Kris Bernal.

Balot was only 17 nang ikasal sila ni Monching (Ramon Christopher).

“Hindi ako hands-on (noon), hindi tulad ngayon, mula sa invitation, sa give-aways, sa venue, sa damit, sa lahat. So iba, iba ang feeling,” she said.

Saan siya mas pinaka-ninenerbyos?

“Sa lahat, sa lahat-lahat. Sana, maging maayos lahat, sana, lahat ng ipinagdarasal ko matupad. Sana, huwag umulan, although may back-up plan naman. And sana... magkakaalaman na kung sino ’yung mga totoong kaibigan na darating,” aniya sabay-tawa.

Biro pa niya, test of friendship daw ang kanyang kasal dahil sa layo ng lugar (Batangas).

But seriously, maiintindihan daw niya kung mayroong hindi makapunta.

Kasama ba sa ipinagdarasal niya ang dumating ang mother niyang si Nora Aunor?

“Siyempre naman,”  sagot niya. “Whatever we had...,” at hindi na niya itinuloy.

“Gusto n’yo ’yung iniklian ko na lang?” pagbibiro na lang niya.

May chance naman na dumating siya?

“Sana. Hindi ko alam, eh. Marami na akong hindi na alam,” sey pa niya.

Pero kinumpirma niyang darating ang ama niyang si Christopher de Leon.

Ang anak daw niyang si Diego ang maghahatid sa kanya sa altar.

Maid of honors naman ang kanyang tatlong anak na babae at ang kapatid na si Matet de Leon. Kasama naman sa best men si Rayver at ang kapatid ni Fadi.

Hindi pa raw kumpleto ang list ng ninong at ninang kaya hindi pa niya maidetalye.

Kasama rin daw sa entourage ang mga adoptive brother na sina Ian at Kiko de Leon, pati ang kanyang mga biological sister na uuwi pa mula sa America.

Pero ang American biological father niyang si Donald Oslon ay hindi raw makakauwi dahil katatapos lang   ng operasyon sa US at baka hindi kayanin ang biyahe.

Samantala, kahit ikakasal na ay tuluy-tuloy pa rin ang taping ni Lotlot sa Asawa Ko Karibal Ko kung saan ay ginagampanan niya ang ina ng karakter ni Kris.