Vice ganda pumasok sa PBB

June 08, 2019
Thumbnail

MARAMI ang napahanga lalo ng `Unkabogable’ star na si  Vice Ganda nang ito’y magboluntaryong pumasok sa Pinoy Big Brother house (last Wednesday) para lamang ipaabot ang kanyang personal na paghanga at tulong sa single mother housemate na si Hasna Cabral na may dalawang anak na parehong may autism (o special children) na sina Bash (9) at Baste (6) na mag-isa niyang binubuhay at inaalagaan dahil iniwan sila ng ama ng mga bata.

Nang mapanood ni Vice ang kwento ng single mom na si Hasna ay doon lamang niya lubos na na-realize kung gaano siya ka-blessed at walang-wala ang kanyang mga problema kumpara sa pinagdadaanan ngayon ni Hasna at ng kanyang dalawang anak.

Nagdala sa loob ng PBB house si Vice ng isang maleta  na puno ng mga damit at gamit na halos mga bago pa para makatulong kay Hasna at sa kanyang dalawang anak na ang ipinambubuhay ay ang pagtitinda ng mga ukay-ukay para patuloy niyang magabayan at masubaybayan ang dalawang bata.

Nagpaiyak at nagpasalamat si Hasna kay Vice sa ipinakita nitong kabutihan sa kanya na hinding-hindi umano niya makakalimutan.