Vice, umaming fan nina Dingdong at Marian

January 01, 2019
Vice Ganda with Dingdong Dantes & Richard Gutierrez
Vice Ganda with Dingdong Dantes & Richard Gutierrez

Nakakatuwa ang pagbibigay-pugay ni Dingdong Dantes kay Vice Ganda na nakasama niya sa Metro Manila Film Festival (MMFF) entry na Fantastica.

Ayon sa aktor, ngayon ay alam na niya kung bakit minahal ng madlang people ang komedyante.

“While aboard the #Fantasticafloat a couple of days before Christmas, naikwento sa akin ni @praybeytbenjamin na not so long ago, kasama siya sa libu-libong mga tao na nag-aabang ng MMFF caravan na dumadaan sa may FEU.

“Katulad din ng marami, sobrang nabibighani siya tuwing may dumadaan na mga gumaganap sa pelikula, at ’di niya nalilimutan ’yon,” ang simula ng caption ni Dong sa larawan ni Vice na in-upload niya sa Instagram.

“Tignan mo naman ang tadhana -- ang dating kumakaway bilang manonood ay siya nang kumakaway mula sa float na tinitingalaan ng marami.

“Maraming salamat, Vice, at nabigyan ako ng pagkakataon na malaman kung bakit ka nga ba minamahal ng milyun-milyon nating mga kababayan.

“Pagkatapos ng experience kong katrabaho ka, nasabi ko na sa sarili ko, ‘ah... kaya naman pala.’ You give so much of yourself to that difficult quest of entertaining people who need it the most -- at the place, and at the right time.

“Sabi nga ni PT Barnum, ‘The noblest art is that of making others happy.’ Hindi siya madali, but you always wing it. Congratulations, Fantastic ka!” patuloy ni Dingdong.

Kapag ganito naman kaganda ang message, sino ba naman ang hindi mata-touch? Kaya naman sumagot din si Vice at nagpasalamat.

“Maraming Maraming Salamat!!!! Mula noon hanggang ngayon isa akong tagahanga. At isa ka sa mga hinahangaan at inaasam na makita kong artista noon pa man. At hanggang ngayon palihim akong sumusulyap sa’yo tulad ng isang pangkaraniwang fan at idagdag pa ang pagkataranta ko nang dumating ang asawa mong si Marian sa set.

“Napakapalad ko na ang isang fan na tulad ko ay nakakapiling at nakakatrabaho na ang mga artistang hinahangaan ko. Nagkakatotoo talaga ang pangarap. Salamat sa pagkakataon!!!! At CONGRATULATIONS sa ating lahat. Tagumpay tayo!!!!” reply ni Vice.