Winwyn, bukas sa pakikipagbalikan kay Mark

February 16, 2019

Pagkaraan ng mahigit tatlong taon bilang mag-boyfriend/girlfriend, hiwalay na nga sina Winwyn Marquez at Mark Herras.

Galing mismo kay Winwyn ang pag-amin na hiwalay na sila ng kanyang boyfriend sa grand mediacon ng forthcoming Regal Entertainment movie na Time & Again (showing on February 20) sa Valencia Events Place.

Ani Winwyn, walang third party involved sa kanilang breakup.

“It was actually a mutual decision. Kung anuman ’yung reason, sa amin na lang ’yon,” wika ng leading lady ng Kapamilya actor na si Enzo Pineda.

Ayaw na ring magbigay ng iba pang detalye ni Winwyn kung kailan naganap ang hiwalayan nilang dalawa ni Mark.

“Hindi naman ganu’n katagal,” paliwanag pa ng former Reina Hispanoamerica winner.

“It was a mutual decision, nag-usap kami nang harap-harapan. Hindi lang ’yung text-text na usual na ginagawa ng iba. It was a mutual decision and we just want to do our good things now.”

Pero hindi naman daw isinasara ng dating beauty queen ang posibilidad na magkabalikan silang dalawa ni Mark.

“’Andiyan naman,” tinuran ng anak nina Joey Marquez at Alma Moreno. “Ayokong magsalita nang tapos. Baka mamaya, o bukas, magkabalikan kami, ’di ba?”

Pero sa ngayon, ayon na rin kay Winwyn, hindi na raw talaga uubra.

Hindi na muna at wala nang balikan pa.