Home>Editorial>Opinion>Escudero, ICC and “Legality”
Opinion

Escudero, ICC and “Legality”

Chiz Escudero

Kahanga hanga ang iyong paggamit ng purong Tagalog sa pagsagot sa mga tanong nang ikaw ay makapanayam ng mga mamahayag nitong nakaraang Agosto 7 sa press conference na pinulong mo. Datapwat pagdating sa isyu ng International Criminal Court, ako ay labis na nalungkot.

Ipagpaumanhin mo po ginoong Chiz Escudero kung nakaramdam ako ng silakbo ng damdamin sa kadahilanang hindi katarungan o karunungan ang nakita ko sa mga tugon mo. Nakagugulat, sapagkat ikaw na ngayon ang pangulo ng Senado ng ating Republika.

Tila sa isyu lamang ng “legalidad” ka nakatingin at nilimot mo na ang isyu sa isyu — ang puso at katarungan para sa mga libo libong naging biktima (at mga magiging biktima pa) ng binasbasang karahasan — kung kayat para sayo ay “hindi simple” at “masalimuot” ang usapin ng ICC. Sino pong abogado ang naglipat sayo ng ganyang kaisipan? Hindi kataka taka. O sinong kaibigan ang nakiusap sa butihing senador?

Noong Mayo ay sinabi mo rin na hindi nararapat ang pahayag ng Department of Justice sa tila magandang pagbabago ng kanyang paninindigan ukol sa ICC. Dagdag mo pa, “hindi ito nakatutulong upang pahupain ang tensyon sa pagitan ng mga Marcos at Duterte?” Terible, grabe po. Ginawa mo nang personal ang issue — lumiit bigla. Saang kuweba na ba lumusot ngayon ang duwendeng higante? At ang isa pang masama ay sinangayunan ka ni Senador Sonny Angara, ang sabi niya, “Tama na muna, focus on Philippine interests rather than just more personal interests.” Ha?

Ano po? Alam mo po ba ang sinasabi mo? Isa yan sa isyu ng lahat ng mga isyu na dapat harapin at agad na tugunan ng bawat isa sa inyong opisyales ng gobyerno upang umusad ang bansa? Ano po ang isyu para iyo, mahal kong senador Angara — ang pagpirma sa malobong budget, ang pagpasa ng maanomalyang pork barrel at intel/confidential fund, ang patuloy na paghahariharian sa mga Pilipino ng iilang angkan, hanggang magunaw ang mundo? Oh, ano na nga ba talaga ang nangyayari sa ating bansa, sa ganitong daloy ng lohika at pananaw ng ating mga tagapamahala?

One plus one equals two. Sorry po sa inyong dalawa. Ganyan lamang kasimple ang “kontrobersya” sa paksang ito — kung susumahin natin. Naguguluhan po kayo sapagkat hayag na wala sa tamang hulog o direksyon ang pinagtutunan ninyo ng pagpapahalaga, with due respect, mahal kong mambabatas na dati kong hinangaan.

Dapat mo pong mapagtanto na ang usapin ay hindi tungkol sa ICC kundi patungkol sa katarungan o kadiliman na bumalot at bumabalot sa madugong “giyera” ng droga, sa nakalipas man o kasalukuyan. Ano po ba ang nararapat sa ngayon? Nais mo ba ng pagbabago sa hinaharap o layun mong panatilihin ang likong daan, magpawalang hanggan? Manindigan sa katarungan.

Stand Up

“Huwag kayong hahatol nang hindi makatarungan. Maging patas kayo sa mga mahihirap at huwag katatakutan ang mayayaman. Humatol kayo batay sa katuwiran at katotohanan.” – Levitiko 19:15

Ano ba ang mas mataas para sayo, Mr. Senate President? Katarungan o mga palusot ng “batas”? At anong pagbabago kaya sa palagay mo ang gustong makamit ng “Bagong Pilipinas” ni Pangulong BBM kung hiwalay ang ano mang pagbabago sa paghahari ng katarungan?

Ang mga kriminal nga ay tahasang binabalewala ang batas mabigyang daan lamang ang kanilang masasamang gawain, bakit naman kailangang balewalain ng pamahalaan ang katinuan, katwiran at katarungan — nang dahil sa batas o “batas” na binabalewala nga ng mga pusakal?

Hindi po ba ganyang uri ng takbo ng pagiisip at iba pang argumento o pangangatwirang “makabatas” ng marami sa mga tinatawag na “legal minds” ang siyang ugat at dahilan kung bakit mas nangingibabaw ang kahangalan at kabulukan sa ating lipunan kaysa katarungan at pag unlad?

Marami ang napapawalang sala na mga salarin, lalo na ang mga may pera at nasa kapangyarihan, at mga maimpluwensya — kasing dami ng mga napaparusahan na inosente, mahihirap at mga alipores lamang ng kanilang mga punong utak at punong may sala.

Tawagin mong “batas” yan, ngunit huwag katarungan.

[email protected]