Home>News>Nation>Go sa DepEd: Buhay ng estudyante, guro ‘wag ipahamak

Go sa DepEd: Buhay ng estudyante, guro ‘wag ipahamak

Bong Go

KUNG nais na hindi maantala ang klase at patuloy na makapag-aral o matuto ang mga bata, hiniling ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go sa Department of Education (DepEd) na unahin pa rin ang kaligtasan ng buhay ng mga estudyante at mga guro lalo ngayong may krisis-pangkalusugan ang bansa na dulot ng coronavirus disease (COVID-19).

Ginawa ni Sen. Go ang pahayag matapos purihin ang ginawang paglagda ni Pangulong Duterte sa Republic Act No. 11480, na nag-aamyenda sa Section 3 ng RA No. 7797 o batas na nagpapalawig sa School Calendar mula 200 days o hindi lalagpas nang 220 class days.

Sa naturang amyenda, binibigyan ng kapangyarihan ang Pangulo na magtakda ng bagong petsa para sa pagbubukas ng school year kung irerekomenda ito ng Secretary of Education kapag idineklara ang state of emergency.

Ipatutupad ang pagpapaliban ng school opening sa lahat ng basic education schools, kabilang ang mga foreign at international schools sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ipinayo ni Sen. Go sa DepEd na unti-untiin at huwag biglain ang pagbubukas ng klase, sa halip ay makiramdam kung ano ang mangyayari sa hinaharap para sa kapakanan ng mga mag-aaral.

“We will take this one step at a time so that we can protect the safety of our students. ‘Wag natin biglain. Let’s assess first what happens in the coming days. Kahit ayaw nating maantala ang klase nila, importanteng safe sila,” ani Go.

Bagama’t sadyang mahalaga na matuto ang mga estudyante, mas importante pa rin aniya ang kanilang kalusugan, maging ng mga guro at hindi ito dapat ipagwalang-bahala.

“Mahihirapan pa po ang estudyante na mag-adjust sa makabago at iba’t ibang paraan ng pag-aaral. Health pa rin ang important. Sa kagustuhan nating makapag-aral ang mga bata, inuuna pa rin natin palagi ang interes, kapakanan at buhay ng bawat Pilipino,” ani Go.

Makati City Pabakuna

Suportado ng senador ang paninindigan ni Pangulong Duterte sa desisyon nitong huwag payagan ang face-to-face classes hanggang walang natutuklasang bakuna laban sa COVID-19.

Ayon kay Go, wala pa ring katiyakan kung ligtas na ang pagsasagawa ng physical classes dahil may mga scientific evidence na ang COVID-19 ay patuloy sa paglaganap.

“Ang paghandaan natin ay kung papaano magpapatuloy ang ating pamumuhay sa panahon ng ‘new normal’. Maglatag po tayo ng kailangang policies and protocols para patuloy na makapag-aral ang kabataan sa paraan na hindi sila mailalagay sa alanganin,” anang mambabatas.

Naninindigan si Go na huwag hayaan na malagay sa panganib ang kalusugan ng mga bata.

Hiniling niya sa concerned authorities unahin ang kaligtasan ng mga mag-aaral at teaching staff sa pamamagitan ng paglalatag ng safety guidelines at social distancing strategies sa mga paaralan sa hinaharap.

Anang senador, dapat ay maayos at epektibong maipaliwanag ng DepEd ang ginagawa nitong action plan para masagot ang pangamba ng mga magulang sa pagbubukas ng school year.

“Proper preparations and training must be done so that teachers will be ready for this mode of teaching. Equipment must also be provided especially to far flung areas. Let us also not rely on internet-based techniques only since not everyone has access to fast and reliable internet access especially in rural areas,” idiniin ni Go.

Kaya iginiit din ni Go sa Department of Information and Communications Technology at sa concerned agencies na magtulungan para matupad ang pangarap ng lahat na mabigyan sila ng universal internet access na stable at abot-kaya.