Home>Editorial>Opinion>Huwag magkuripot ngayong pandemya

Huwag magkuripot ngayong pandemya

MAG-IISANG taon na ang pandemyang kinakaharap ng bansa at marami ang patuloy na nanawagan ng tulong hindi lamang sa ating gobyerno kundi maging sa iba’t ibang organisasyon at pribadong indibidwal.

Kaya naman, gusto ko ang paghahamon ni Senador Manny Pacquiao sa kanyang mga kapwa pulitiko na ibahagi ang kanilang mga yaman sa mahihirap o higit na nangangailangan.

Sinabi ni Pacquiao na kung lahat ng mayayamang pulitiko ay tutulong sa mahihirap, tiyak na walang Pinoy ang magugutom.

If all these rich politicians could also share their wealth and would stop stealing from people, not a single Filipino would ever experience hunger and our country would be a lot better,” saad ni Pacquaio.

Namahagi si Pacquiao ng tulong sa kanyang lalawigan sa Sarangani kung saan ito binalikan ang kanyang mga karanasan.

Ikinuwento ni Pacman ang kanilang naging paghihirap sa paghahanap ng pagkain kung saan hinihingi niya ang mga tira-tirang tinapay mula sa isang bakery kung saan siya nagtrabaho upang magkaroon ng pagkain ang kanyang ina at mga kapatid.

Makati City Pabakuna

May mga panahon anya na nangunguha siya ng mga tira-tirang isda sa merkado at iluluto para sa kanilang pananghalian o hapunan.

Ang kanyang ina na si Mommy Dionisio ay naiiyak na lang sa kanilang paghihirap at lagi na lamang ipinadaraan sa pag-inom ng maraming tubig ang pagpapalipas ng gutom.

Hinimok din ng senador ang kanyang mga kababayan na huwag mawalan ng pagasa sa gitna ng mga paghihirap na kanilang dinaranas dahil ang kanyang kahirapan ang nagturo sa kanya para maging matatag sa buhay.

Sa ganang akin, kung tutugunan at gagawin ng mga mayayamang pulitiko ang hamong ito ng ating Pambansang Kamao, nakatitiyak ako na hindi lamang natin malalagpasan ang krisis na ating kinakaharap kundi mababawasan pa ang bilang ng mga nagugutom at mahihirap.

Patunayan natin na buhay pa talaga ang diwa ng Bayanihan sa ating mga Pilipino upang sama-samang makaangat, makabangon at tuluyang makasulong sa pag-unlad.

Publication Source :    People's Tonight
Marlon Purificacion
Journalist At Large