Home>Editorial>Opinion>Inaruga ng maling doktrina
Opinion

Inaruga ng maling doktrina

MAHIRAP magpalaki ng anak. Sa biglang tingin, iisipin mo lang na parang kambing o baka lang yan na iyong pakakawalan sa parang, bahala na siyang bumuhay sa kanyang sarili sa pamamagitan ng damo na kanyang makakain.

Kakaiba kasi ang bata, aarugain mo yan mula pa sa sinapupunan. Iniingatan mo ang iyong misis na huwag madulas, huwag magkasakit at pinakakain mo siya ng masustansiyang pagkain na madalas ay may kasama pang bitamina.

Higit sa nanay na nagdadalantao, ang iyong inaalagaan ay ang bata sa kanyang sinapupunan dahil gusto mong isilang na malusog at maayos ang lahat ng bahaging katawan.

Kapag iniluwal na, padedein mo yan sa ina hanggang kaya na ang formula. Tuturuan mo yang magsalita, gagabayan mo yan sa paglakad hanggang maging isang ganap nang tao na kaya nang kumain mag-isa.

Kapag nag-aral na yan, ikaw na magulang ay nakabantay sa hinatid mong anak sa paaralan, inaayos ang baon at malinis na pinapapasok. Ihahatid mo yan hanggang sa pinakahuling araw niya sa Grade 3 dahil kung kaya na sa Grade 4, hinayaan mo nang pumasok mag-isa pero nakatutok ka pa rin sa kanyang mga takdang aralin.

Pero bago yan, tuturuan mo muna siyang magbasa, magsulat, umawit at matutong kumilatis ng kulay at ng marami pang bagay.

Pinaghahanda mo rin yan ng baon kahit ba tinapay at juice lang basta matiyak mo lang na may makakain kapag nagutom. Hatid-sundo mo yan sa buong kalendaryo ng kanyang pag-aaral sa kamusmusan. May iba nga, isa na ako doon, first year college na inihahatid mo pa at sinusundo sa unibersidad.

Sa halos 14 hanggang 16 years ng kanyang pag-aaral nakatutok ka sa kanya at tiyaking sa pagbubukas ng bagong school calendar ay may maihahandang pang-matrikula. Lahat na ng graduation niya ay iniyakan mo siya kahit pa nagtapos pa lang ng Kinder 2, pakiramdam mo tagumpay ka na sa pagpapalaki sa kanya.

Ang bottomline, gusto talagang magkaroon ng hindi matagumpay na anak bagkus ay maging isang mabuting tao.

Tapos, isang umaga, wala kang kamalay-malay, iyong musmos na inaruga mo hanggang magkolehiyo, iba na ang paniniwala. Galit na siya sa mundo, kinasusuklaman na niya ang gobyerno, gusto na niyang lusawin ang estado.

Ang dahilan, na-recruit na pala siya ng isang grupo at pinaniwalaan ang lahat ng laman ng pagdoktrina sa kanya. Kaya nga hindi natin masisi ang mga magulang na nagsusumigaw sa harapan ng mga unibersidad dahil hinahanap ang nawawala nilang anak. Kung hindi man namundok na kasama ng nag-recruit sa kanya, nasa six feet underground na siya.

Simple lang naman ang prinsipyo na dapat maitanim sa mga kabataan na posibleng nire-recruit ng kung sino man. Iniisip nyo ba na kaya nyong baguhin ang lipunan habang kayo ay nasa bundok?

Kung kaming mga nasa kapatagan ay ginagawa na ang lahat, nagtutulong-tulong at umaasang may darating na pag-asa para sa bayan ay nahihirapan na, ano pa kaya kung nagtatago ka sa bundok?

Ang totoong sandata sa pagbabago ng ating bayan ay nasa atin mismong mga sarili. Sabi nga, huwag kang tumingin sa malayo, magsalamin ka lang at tanungin mo ang iyong sarili kung may naitutulong ka na ba sa bayan mo?

Bilang estudyante, tapusin mo ang iyong pag-aaral, maging mabuti kang tao at maging disiplinado para hndi mo kailangang umakyat sa bundok at mag-armas laban sa gobyerno.

Ikaw mismo ang gobyerno, pamahalaan mo ang sarili mo dahil kapag naayos mo ang buhay mo, nabawasan ng isang problema ang bayan mo na gusto mong baguhin.

[email protected]