Home>News>Provincial>Mga Pampasabog at Kagamitang Pandigma ng Dawlah Islamiya, nasabat ng Militar sa South Cotabato

Mga Pampasabog at Kagamitang Pandigma ng Dawlah Islamiya, nasabat ng Militar sa South Cotabato

Dawlah Islamiya Armaments

CAMP SIONGCO, Maguindanao – Iba’t-ibang mga kagamitang pandigma at mga pampasabog ang narekober ng mga sundalo ng Joint Task Force Central (JTF Central) sa Barangay Lumakil, Polomolok, South Cotabato, nitong ika-24 ng Hulyo, 2021. Kasunod ito ng walang humpay na pagtugis ng gobyerno sa mga teroristang grupo sa South at Central Mindanao.

Ang mga nasabat ng mga tropa galing 601st Brigade ay kinabibilangan ng 15 improvised explosive device, mga sangkap sa paggawa ng bomba, mga bala ng baril, at iba bang gamit pandigma. Ayon kay Brigadier General Roy Galido, ang pinuno ng 601st Brigade, nakasagupa ng mga tropa ng gobyerno habang nagsagawa ng focused military operation dakong alas- 4:00 ng hapon ang mga armadong grupo mula sa pangkat ng Dawlah Islamiya – Maguid Group na pinamumunuan ni Jaiden Jade Nilong alias Aliboy. Nagtagal ng halos 20-minuto ang palitan ng putok kung saan napilitang tumakas ng mga teroristang DI at iwanan ang mga iba’t-ibang pampasabog at mga sangkap sa paggawa nito.

“Ang pagkarekober sa mga pampasabog na ito ay malaking bagay upang mahadlangan ang plano ng mga teroristang grupo na maghasik ng kaguluhan”, pahayag ni BGen. Galido.

Makati City Pabakuna

Pinuri naman ni Major General Juvymax R. Uy, Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central ang dedikasyon ng mga tropa sa patuloy na pagtugis laban sa mga teroristang grupo at ang pagkasamsam sa mga pampasabog.

“Maraming buhay ang mawawala at ari-arian ang mawawasak kung hindi natin napigilan ang plano ng mga terorista. Nananawagan ako sa publiko na makipagtulungan sa ating mga sundalo at agad na ipagbigay alam sa mga owtoridad ang anumang mga kahina-hinalang mga tao o mga kaganapan na mapapansin nyo sa inyong paligid”, wika ni MGen. Uy.

Dawlah Islamiya Armaments