Home>Editorial>Opinion>Kailangan pa rin ng ayuda

Kailangan pa rin ng ayuda

SA muling pagpapalawig ng MECQ sa Metro Manila hanggang ika-30 ng Abril, marami na naman ang muling natigil sa paggawa o trabaho. Nakalulungkot, dahil kung kailan inaakala na natin na unti-unti na tayong babangon sa pandemyang ito ay muli tayong ibinabalik sa paghihigpit at pagtitiis.

Bagama’t hinihiling muli ng pagkakataon na maghigpit dahil sa pagtaas muli ng mga kaso ng COVID-19.

Ang masaklap pa ulit, punung-puno na rin ang mga ospital hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa ilang mga karatig na probinsya.

Nariyan din ang patuloy na hirap at sakripisyo ng ating mga health care workers na talaga namang nasubok ang dedikasyon at kakayahan ngayong panahon na ito ng pandemya.

Sa pagbabalik ng ‘community lockdown,’ nangangahulugan ito ng muling ibayong hirap at pagtitiis, partikular sa hanay ng mga mahihirap na apektado.

Kaya naman ang aasahan muli ng mga pamilyang ito ay kung hindi tulong mula sa kaanak ay ayuda mula sa gobyerno.

Ayon sa DILG, may mga lokal na pamahalaan ang pormal na sumulat sa kanilang tanggapan para sa tulong-pinansiyal; pag-uusapan naman ng departamento kung ito ba ay case-to-case of blanket extension na ipamimigay.

Siyempre, malaki ang tiwala natin sa pamunuan ngayon ng DILG sa pangunguna ni Sec. Eduardo Año (happy and safe return to work!).

At naniniwala tayo na may pangangailangan pa rin na mabigyan ng ayuda ang mga mamamayang apektado ng ekstensiyon ng lockdown. Malaking tulong ito sa mga pamilyang tunay na nangangailangan sa panahon ng pandemya.

Bagamat may mga balita na may mga nakakatanggap ng ayuda na ginagamit ang nakuhang pinansiyal na tulong mula sa gobyerno sa hindi magandang paraan o di kaya’y iligal, gaya nang pagbili ng shabu.

Makati City Pabakuna

Subalit hindi sana makaapekto ang kasalanang ito sa mahigpit na pangangailangan ng maraming pamilya.

Hindi matanggal sa isipan natin ang hirap na dinadanas ng ating mga kababayan kung paano itatawid ang pang-araw-araw na buhay gawa ng pandemya.

Nitong nakaraang linggo nag-viral ang isang video ng isang food delivery rider na niloko nang nag-book sa kaniya.

Naiyak na lamang siya dahil sa pagkadismaya dahil inabonohan niya ito at natiyempuhan pa ng ganitong mga manlolokong tao.

Mabuti na lamang at tinulungan ng mga kapwa nito food delivery rider para mapaghati-hatian ang nagastos sa pagkain.

Tanong natin paano ba napro-proteksiyunan ng mga food delivery apps na ito gaya ng Grab Food, Food Panda at iba pa, ang kanilang mga riders kapag may mga ganitong manloloko? Hindi ba dapat na may ginagawa din silang proteksiyon para sa mga ito?

Dapat lang dahil ang mga riders na ito ang nagpapayaman sa mga ito. Nakakalungkot man at nakakagalit na hindi na natin maiiwasan na may mga tao talagang manloloko.

Mabuti at nakunan ng video ang kalunus-lunos na kalagayan ng food delivery rider at natulungan ng kaniyang mga kabaro pero paano ang iba pa na walang nakahandang tumulong?

Kaya tanong natin sa mga Grab Food, Food Panda at iba pa may food delivery services kung paano nila napo-proteksiyunan ang inyong mga rider? Sana lang ay napapangalagaan din nila ang mga ito.

Abangan!

Publication Source :    People's Tonight