Home>Editorial>Opinion>Kaligtasan bago kita

Kaligtasan bago kita

SA PATULOY na pakikipaglaban ng buong mundo sa COVID 19, bukod sa lubos na pag-iingat, isa sa sinasandalan ng lahat sa ngayon ay ang pag-roll out na ng bakuna laban sa virus.

Ilang bansa na ang nagsimulang magbakuna sa kanilang mamamayan habang sa Pilipinas ay patuloy pa ang paglalatag ng mga hakbangin kasama na ang pagpasok sa mga kontrata para makakuha ng bakuna mula sa iba’t ibang manufacturers.

Sa sitwasyon natin ngayon, lahat ng tulong ay kailangan upang makabangon na ang ating ekonomiya.

Kaya naman napapanahon din ang panukala ni Senador Sonny Angara na nagsusulong na alisin ang donor’s tax sa supply ng mga bakuna at iba pang mahahalagang bagay at kagamitan na gagamitin ng bansa sa pakikipagtuos nito sa pandemya ng COVID-19.

Ang Senate Bill 2046 ay naglalayong i-exempt sa donor’s tax ang mga donasyong tulad ng gamot, bakuna, at medical supplies, partikular ang mga medisina para sa COVID.

Bukod dito, nais din ni Angara na huwag patawan ng donor’s tax ang mga capital equipment, spare parts at mahahalagang materyal na ginagamit sa produksyon ng personal protective equipment (PPE) components tulad ng coveralls, gowns, surgical masks, goggles at face shields.

Iginiit ni Angara na makatutulong ang hakbang na ito upang mas mapalakas ang laban ng bansa sa pandemya, lalo pa’t malawakan na ang aksyon ng gobyerno at ng mga pribadong sektor sa pagsiguro at pagbili ng mga bakuna.

Mahalaga aniya na sa pagkakataong ito na huwag nang buwisan ang mga donasyong nabanggit, maging ang delivery at storage ng mga ito.

Makati City Pabakuna

Handang-handa na ang gobyerno at ang mga pribadong sektor sa pagdating ng mga bakuna. At karamihan sa mga bakunang ito ay mula sa mga donor, kaya’t kung maaari, huwag na silang patawan ng donor’s tax,” pahayag ng senador.

Sa pamamagitan nitong panukalang pag-exempt sa donor’s tax ay masisiguro natin ang walang hadlang na pamamahagi ng mga donasyon ng bakuna at iba pang kagamitan para sa ating gobyerno pati na rin sa pribadong sektor,” dagdag pa nito.

Ayon pa kay Angara, sa ilalim ng kanyang panukala, dapat ding exempted sa donor’s tax ang mga donasyong kagamitan para sa waste management tulad ng waste segregation, storage, collection, sorting, treatment and disposal services.

Base pa sa panukala ng senador, ang donor’s tax exemption ay epektibo mula Enero 1, 2021 hanggang Disyembre 31, 2023, at natatanging para lamang sa government and private entities at hindi para sa commercial use.

Sasailalim sa rules of deductibility ang mga naturang donasyon, alinsunod sa isinasaad ng mga probisyon ng National Internal Revenue Code, at ng Bureau of Internal Revenue.

Maraming paraan upang makabawi ang bansa mula sa mga nawalang kita dahil sa pandemya subalit kailangan muna nating tiyakin na magkakaroon tayo ng sapat na panlaban sa COVID 19.

Kaya naman sa panahong ito, mas nararapat isipin ng ating gobyerno ang kaligtasan ng lahat bago ang kita na kinalaunan ay tiyak ding nating mababawi.

Publication Source :    People's Tonight
Marlon Purificacion
Journalist At Large