Home>News>Metro>Kotse inararo 5 sasakyan, 1 dedo!

Kotse inararo 5 sasakyan, 1 dedo!

Dead
Makikita sa larawan ang nasawi (inset) matapos araruhin ng pulang kotse na may plakang (NDL-9295) ang ilang sasakyan sa kahabaan ng Claro M. Recto sa Divisoria, Manila. Agarang inimbestigahan ng Manila Police District (MPD) Stn.11 sa pamumuno ni P/Lt. Col. Rollyfer Capoquian ang insidente. Kuha ni JON-JON C. REYES

ISA ang nasawi habang anim naman ang sugatan nang araruhin sila ng isang kotse na nawalan ng preno sa Binondo, Maynila kahapon ng umaga.

Habang isinusulat ito ay inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng namatay na biktimang lalaki at dalawa sa mga nasugatan.

Hyundai Accent

Ang apat pang nasugatan ay kinilalang sina sa Jerry del Rosario, 41; Adriano Limse, 38, pedicab driver; Ryan Boy Caranzo, 39 at Jonathan Ratin, 40.

Ang suspect naman na si Armando Pitas, 55, ng Taguig City, ay inaresto ng pulisya.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), dakong 7:30 a.m. nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Claro M. Recto Avenue sa Binondo.

Makati City Pabakuna

Kasalukuyang minamaneho umano ng suspek ang kanyang pulang Hyundai Accent na may plakang NDL-9295 nang mawalan ito ng kontrol at inararo ng nasabing kotse ang isang Public Utility Jeepney (PUJ), pedicab, motorcycle, E-Trike at bisikleta, pati na ang mga taong naglalakad sa CM Recto Avenue nang mga oras na iyon.

Ayon sa imbestigasyon, una umanong sumalpok ang kotse sa PUJ at nang umikot ay tinamaan naman ang isang bisikleta at kasunod ay ang E-trike naman.

Agad na inaresto ng mga pulis ang nasabing driver at siya ay sasampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide and multiple injuries.

Samantala, isinugod naman ang hindi pa nakikilalang mga biktima sa ospital upang malapatan ng agarang lunas.

 

Publication Source :    People's Tonight