Home>Editorial>Opinion>Maagap na pamamahala panlaban kay Ulysses
Opinion

Maagap na pamamahala panlaban kay Ulysses

SABI ni Alvin Toffler sa Future Shock, ang umiiral na sistema ng pulitika ay bulag sa mga hamon ng panghinaharap.

Imbes na pag-isipan at paghandaan ang nakikini-kinitang mga suliranin at mga pagkakataon na bitbit ng bukas, patalon-talon na lang tayo mula sa isang krisis sa susunod na krisis”, paliwanag ni Toffler.

Isang maagap na pamahalaan ang ating kailangan, na pinaliwanag nila David Osborne at Ted Gaebler sa ika-8 kabanata ng Reinventing Government.

Ang mga maagap na pamahalaan na pinag-iisipan ang hinaharap ay may dalawang katangian: 1) pagsunod sa prinsipyo na ang isang onsa ng pagsansala ay mas mainam sa isang libra ng lunas o gamot, at 2) nakapaloob sa mga pasya ang maagap na pagpaplano ng mga hakbang na mag- aasikaso sa mga maaaring problemang bumulaga na hatid ng hinaharap.

Nakita na natin ang nangyaring baha sa Kalakhang Maynila noon Setyembre 2009 dahil kay Ondoy. Hindi nagtagal, dumating si Habagat. Pagkaraan ng sampung taon, mas malalang eksena ang nakita natin kay Ulysses. Alam natin ang ugat ng problema subalit walang maipapakitang proyekto na bunga ng maagap na pamamahala ang DPWH. Kung hindi babaguhin ng taong bayan ang pagsuporta sa mga pulitikong nagbubulag-bulagan sa problemang ito, malamang kahit bubong ng bahay ay hindi na makikita ng bahang kulay putik na hatid ng ulan ng bagyong mas matindi pa kay Ulysses.

Wala naman masama na maglagay ng pondo para sa “disaster preparedness” ng pamahalaan. Subalit lubos na mas mainam maglagay ng pondo para sa proyektong kikibo sa tunay na ugat ng problema ng kalamidad. Hindi man magtagumpay mawala ito, tiyak na mababawasan ang pinsala nito.

Nakakasawa na kasing panoorin ang pagligid ng mga pinuno ng bansa upang damayan ang mga nasalanta ng baha at iba pang kalamidad. Siyempre may kasunod na relief goods para sa mga nasa evacuation centers na nakangiting pinamimigay ng mga politiko na kung umasta ay parang sa bulsa nila galing ang pondo na mula sa buwis ng taong bayan. Ganito na lang ba tayo taon taon tuwing may bagyo?

Ang umiiral na kaisipan ng Mayor o ng Presidente ay ipasa na lang ang problema sa susunod na alkalde o Presidente. Atubili silang maglagay ng pondo sa mga proyektong hindi matatapos sa loob ng tatlong taon o anim na taon panunungkulan dahil ang kredito ay makukuha ng susunod na administrasyon. Ang gusto nila ay mga aksyon agad na band-aid solutions na makikita silang dumadamay sa botante.

Halimbawa, ang mga proyekto ng DPWH para sa flood control ay nakatutok lang sa pagpapataas ng kalsada na magsisilbing road dike at pagpapatayo ng mga riprap sa tabing ilog. Hindi nito nasasaling ang nagnanaknak na problema ng paglubog ng lupa na bunga ng urbanisasyon at pagtaas ng lebel ng karagatan dahil sa climate change.

Tingnan natin ang karanasan ng ibang mga bansa sa maagap na pamahalaan.

Inumpisahan gawin noon 1992 ang Tokyo G-can underground discharge channel. Ang pasyang ito ay nabuo pagkaraan dumanas ang mga nasa Tokyo sa matindi at sunod sunod na pagbaha noon 1991. Natapos ito noon 2006 pagkaraan ng 14 na taon. Ang flood control project na ito sa ilalim ng lupa ay dalawang milya ang haba at kayang maglulan ng tubig baha katumbas ng 54 na Olympic size swimming pool. Mayroon itong 78 na bomba na ang kapasidad ay 10 MW(13,000 hp) na kayang sumipsip ng 200 toneladang tubig kada segundo at binubuga nito ang baha sa ilog ng Edo. Tinatayang 90% ng problema ng baha sa Tokyo ay nalutas ng proyektong ito.

Ang Malaysia naman ay mayroon Stormwater Management and Road Tunnel (SMART) flood tunnel sa Kuala Lumpur bilang lunas sa mga flashfloods sa lugar. Kapag tag-init, ang mga tunnel ay ginagamit na expressway.

Ang Thailand naman ay mayroon mga monkey cheeks na siyang kulungan ng tubig baha. Ito ay proyekto ni Haring Bhumibol. Ngayon , balak ng mga Thai na gumawa ng mga underground monkey cheeks para tuluyan ng mawala ang baha sa Bangkok.

Sinabi ni Jim Dator ng University of Hawaii, “Sa mga nagdaang siglo, itinuro sa atin na dapat sambahin ang mga ninuno at igalang ang mga tradisyon nila, at mainam naman ito. Ngunit ngayon, dahil sa dami ng mga bagong hamon na sumusugod sa atin buhat sa hinaharap, kailangan nating gawin ang isang bagay na hindi pa natin nagawa dati at pinangangambahang wala tayong abilidad na gawin ngayon, ang sambahin ang ating mga apo at mahalin sila ng higit pa sa pagmamahal natin sa sarili. “

Isang taon at kalahati na lang at halalan nasyonal at lokal na naman. Panahon na para magising ang taongbayan sa katotohanan na hindi na makakabuti sa ating mga apo ang pagtangkilik sa mga pulitikong patalon-talon na lang sa isang krisis sa susunod na krisis dahil bulag sila sa mga hamon ng panghinaharap. Ipakita natin ang ating pagmamahal sa ating mga apo sa pagboto sa mga kandidatong may sapat na kakayahan at kredibilidad na magpatupad ng maagap na pamamahala.