Home>Editorial>Opinion>May “gulo” sa 2021 badyet

May “gulo” sa 2021 badyet

MALINAW na hindi na naman ‘eye-to-eye’ ang ating mga mambabatas sa pinag-uusapan (pa rin) na 2021 ‘national budget.’

Dangan kasi, bigla umanong “nanalangin” si Sen. Ping Lacson, vice chairman ng Senate finance committee, na “harinawa” ay ‘i-veto’ (translation: “tablahin”) ni PDU30 ang ilang probisyon nito, partikular ang aniya ay ‘excessive insertion’ ng mga kongresista, ahahay!

Sa isang ‘virtual press conference,’ ibinisto rin ni Lacson na mayroong P28B na “isiningit” ang mga kongresista sa budget ng DPWH.

At gusto niyang malaman kung “sino” at “saan” na mga distrito napunta ang idinagdag na pondo sa DPWH budget.

Ang “masaklap,” lumalabas na para lang sa kanilang sariling interes (translation: 2022 election), nakahanda ang ilang mambabatas na isakripisyo ang ating pambansang seguridad—at edukasyon ng ating mga anak—dahil ang dinukwang na dagdag-pondo na P8 bilyon ay galing pala sa ‘AFP modernization.’ Masakit pa nito, sa AFP modernization program ng Dept of National Defense kinaltas ang P8B at sa DICT na mula sa orihinal na P900M pondo ay ginawang P5 bilyon ng Senado subalit uuwing “luhaan” si Sec. Gringo Honasan dahil P1.9 milyon na lang ang natira sa kanyang departamento!

Eh, paano na ang ‘distance learning’ ng ating mga anak aber?

Sa pagtalakay ng Senado sa bicam report ng budget, inamin mismo ni Senate finance committee chairman, Sen. Sonny Angara na baka “masakripisyo” ang buong 2021 national budget at hindi ito maipasa kung hindi mapagbibigyan ang ginawang insertions ng mga kongresista.

Una nang sinabi ni Lacson na P620M ang pinakamaliit na budget na napunta sa mga kongresista at umabot naman sa P15B ang pinakamaking budget na napunta sa isang distrito sa Davao.

***

Hindi pumirma si Lacson sa bicam report ng budget dahil hanggang ngayon hindi pa aniya malinaw kung saan mapupunta ang P28B na insertion sa DPWH.

Himutok pa niya, “nasasayang” lang ang pagpupuyat at pagpapagod nila sa pagtalakay ng budget dahil binabago naman ito sa pulong ng bicam na hindi nalalaman ng publiko.

Tandaan natin, na karapatan nating lahat na malaman kung paano pinoproseso ang budget at kung saan ito gagamitin dahil ito ay pera natin. Nagmumula ito sa buwis na ating ibinabayad sa gobyerno.

Makati City Pabakuna

Kaya karapatan nating malaman kung anong mga proyekto ang popondohan ng mga ito dahil baka sa bulsa lamang ng mga mambabatas ang lagapak nito lalo na at eleksyon na sa 2022.

Kung tutuusin, parang masasayang lang ang pinaghirapan ng Kongreso at Senado na pagsasabatas sa Bayanihan 1 at 2 para tugunan ang dagok na dala ng pandemyang COVID-19.

Sabi pa nga ni Lacson, hindi ‘responsive’ sa tawag ng panahon ang 2021 national budget dahil mas inuna pa ng mga kogresista ang alokasyon ng mga pondo sa planong pagpapagawa nang mga covered court kaysa isipin ang mga hakbang at programa na kailangan ng ating mga kababayan para sa patuloy na pagharap sa problemang dala ng COVID-19.

Imbes na pondohan din ang DICT para sa ‘Internet roll-out project’ nito at iba pang ‘online services’ dahil ito ang mahalaga ngayon para sa edukasyon ng ating mga anak at sa negosyo, “inilipat” pa ito para pondohan ang mga proyekto ng mga kongresista. Malapit na kasi ang election period.

Kaya, yung sinasabi ng gobyerno na ‘reset, rebound, recover’ na dapat ay layunin nang 2021 national budget, hindi kaya ito ay isang “propaganda” lang, dear readers?

At kapos din ang nailaang aktwal na pondo sa pagbili ng bakuna laban sa COVID-19, mga kabayan—wala pang P2 bilyon.

***

Hmm. Hindi ba naisip ng ating mga mambabatas na yung “drinibol” nilang P28 bilyon na inilagak nila sa DPWH, sandamakmak na bakuna na ang mabibili nito, kaya…

Hiyang-hiya” naman kami sa inyo, mga bosing, huhuhu!

Ang COVID-19 mass vaccination ay umarangkada na sa United Kingdom at Russia. Susunod na ngayong linggo ang US, maging ang Canada, Mexico, Bahrain at Saudi Arabia bago matapos ang taon.

Oo nga at sinasabi ng Pangulo na may sapat na pondo para sa pagbili ng bakuna, bakit hindi man lang inisip ng ating mga kongresista na kusang tumulong sa gobyerno? Yun man lang ginamit sana nila na pondo para sa mga covered court ay inilaan na lamang para pambili ng mga bakuna para mas maraming Pilipino ang maligtas sa COVID-19. Tsk, tsk, tsk!

Unahin muna natin ang ating bayan at mga kababayan!

Publication Source :    People's Tonight