Home>Editorial>Opinion>May limitasyon sa academic freedom!

May limitasyon sa academic freedom!

MULING uminit ang usapin ng red-tagging sa gitna ng unilateral termination ng Department of National Defense (DND) sa kanilang accord sa University of the Philippines na ginawa noon pang 1989.

Ikinatwiran ni DND Secretary Delfin Lorenzana, nagagamit ng mga makakaliwang grupo ang kasunduan upang malayang makapag-recruit ng mga estudyante mula sa UP upang sumanib sa New People’s Army (NPA).

Inalmahan naman ito hindi lamang ng UP kundi maging ng iba pang student organizations mula sa iba’t ibang unibersidad.

Para sa kanila, isa itong paraan ng gobyerno upang sikilin ang kanilang mga karapatan, kasama na ang academic freedom.

Taong 1989 nang buuin ang kasunduan matapos ang insidente ng pagdukot, pag-torture at sapilitang pagpapaamin kay Donato Continente, staff ng Philippine Collegian, official publication ng UP, na nasa likod ng pagpatay sa American soldier na si Col. James Rowe.

Alinsunod sa kasunduan, hindi maaaring basta na lamang pumasok ang mga kagawad ng militar at pulisya sa mga campus ng UP nang walang pahintulot ng administrasyon.

Iba’t ibang pananaw na ang narinig at nabasa natin hinggil sa termination na ito.

Marami ang nagsabi na hindi dapat binawi ng pamahalaan ang kasunduan at nagkaroon din sana muna ng negosasyon sa pagitan ng dalawang panig.

Taliwas naman sa pahayag ng mga student organization, may mga naniniwala na maganda na ring magkaroon ng karapatan ang mga pulis at sundalo na pumasok sa mga campus ng UP para na rin sa peace and order lalo pa’t marami nang krimen ang napabalitang nangyayari sa ilang campus ng unibersidad.

Makati City Pabakuna

Sa ganang akin, tama na ring i-abrogate ang UP-DND accord upang magkaroon ng pantay-pantay na treatment sa lahat ng eskwelahan at unibersidad.

Naniniwala tayong ang isang academic freedom ay may kalakip ding limitasyon at responsibilidad.

Masakit isipin na parang baligtad na ang nangyayari ngayon. Militar na ang kaaway ng mga Pilipino? Bakit lagi na lang red-tagging ang iniisip tuwing may gagawin ang militar?

Sa gitna ng lahat ng ito, iisa lang ang kailangan sa ating bansa.

Dapat ay magkaroon ng political will ang DND at AFP!

‘Ika nga, kung totoong gusto na nilang wakasan ang 52 taong problema sa insureksiyon kailangan ay maging consistent ang stand ng mga lider ng AFP at DND.

Hindi rin tayo naniniwala na nilalapastangan nito ang ‘academic freedom’ ng bawat estudyante at unibersidad dahil kahit sino naman magpahanggang ngayon, malaya ang kabataang magsalita!

Tulad ng ginagawa nating pagbabantay sa pang-aabuso ng pulis at militar, dapat ay todo-bantay din tayo sa maling sistema at pang-aabuso ng ilang lider sa organisasyon na dinadala sa pangit na landas ang kanilang kasapi – higit lalo ang mga kabataan na iskolar ng bayan!

Publication Source :    People's Tonight
Marlon Purificacion
Journalist At Large