Home>News>Meralco naghatid ng tulong sa mga apektado ng bagyo sa Ilocos
News

Meralco naghatid ng tulong sa mga apektado ng bagyo sa Ilocos

Meralco Ilocos Norte Contingent

Naghatid ang Manila Electric Company (Meralco) ng tulong para mapabilis ang pagbabalik ng serbisyo ng kuryente sa Ilocos Norte matapos ang pinsalang iniwan ng Super Typhoon Egay (international name: Doksuri) sa lalawigan.

Nakipag-ugnayan ang kumpanya sa lokal na pamahalaan ng Ilocos Norte at sa Ilocos Norte Electric Cooperative (INEC) para sa pagpapadala ng 32 engineer at linecrew na tutulong sa pagbabalik ng serbisyo ng kuryente.

Dumating sa lalawigan nitong Hulyo 30 ang grupo na may dalang mahahalagang kagamitan para sa mabilis na pagsasaayos ng mga linya ng kuryente. Kabilang sa mga ito ang apat (4) na pickup truck para sa pagsusuri ng laki ng pinsala; apat (4) na basket truck para sa muling pagkakabit ng mga linya ng kuryente; at isang (1) stake truck at dalawang (2) crane para naman sa pagtatayo ng mga bagong poste.

Bukod pa dito, may dala rin na anim (6) na generator set at 12 LED flood light ang Meralco para ligtas at mabilis na makapagtrabaho ang mga engineer at crew kahit na sa gabi.

Patuloy na nakikipag-ugnayan ang Meralco sa lokal na pamahalaan at iba pang electric cooperative para sa tulong na maaari pang maibigay nito. Nakahanda rin i-deploy ang 22 dagdag na engineer at linecrew ng Meralco, dalawang (2) basket truck, at tatlong (3) stake truck sakaling kailanganin pa ng dagdag na tulong.

Meralco Ilocos Norte Contingent

Samantala, nagsagawa rin ng relief operation ang One Meralco Foundation (OMF) kasama ang MVP Group of Companies upang mabigyan ng pauna at agarang tulong ang mga biktima ng bagyo.

Nakapagbigay na ang Grupo ng 1,150 relief pack, mga water filtration device, daan-daang bote ng malinis na tubig, 550 health kit, at mWell OnTheGo package na hinatid ng OMF sa Ilocos Norte noong Hulyo 29.

Patuloy rin ang koordinasyon at pakikipagtulungan ng OMF sa mga kinatawan ng lokal na pamahalaan para matiyak ang epektibo at mabilis na pamamahagi ng mga donasyon sa mga biktima ng bagyo.

“Tuluy-tuloy ang paghahatid namin ng tulong lalo na sa mga lugar na lubhang napinsala ng Super Typhoon Egay. Sa sarili naming paraan, umaasa kami na makatulong sa muling pagbangon ng mga komunidad mula sa pagsubok na ito,” ani Meralco Vice President at Head of Corporate Communications Joe R. Zaldarriaga.

Journal Online
A collection of noteworthy information on various topics from the Philippines and the rest of the world.
https://journal.com.ph