Home>Editorial>Opinion>Mga Epektibong hakbang ng PNP-AKG

Mga Epektibong hakbang ng PNP-AKG

SA kabila ng kinakaharap ng bansa na krisis dulot ng pandemya, hindi naman nagpapatinag ang Philippine National Police (PNP) sa pagbuo ng mga hakbangin upang tuparin ang kanilang misyon na ‘to serve and protect’.

Partikular na ang PNP-Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) sa pangunguna ni Police Brig. Gen. Jonnel Estomo na tuloy-tuloy ang pagpapatupad ng mga reporma at iba’t ibang hakbangin upang maresolba ang mga kaso ng kidnapping.

Kaya naman hindi na nakapagtataka na bumababa na ang kaso ng kidnapping sa bansa lalo na sa mga dayuhang nananatili sa Pilipinas para maghanapbuhay.

Kasama sa kapuri-puring hakbang ng PNP-AKG ay ang pagbuo nila mismo ng advisory council upang makuha ang kooperasyon ng iba’t ibang sektor sa kanilang mga programa upag lunasan ang kidnapping activities.

Ang advisory council ay kadalasang binubuo rin ng mga kinatawan mula sa mga negosyante, academe, maging mula sa media at iba’t ibang organisasyon.

Pinakahuli ay naging miyembro na rin ng PNP-AKG Advisory Council ang mga kinatawan ng Fiipino Indian Commerce and Welfare Society Inc. na si President Manjinder “James” Kumar.

“I am honored to be part of the advisory council of AKG, led by its able and capable director Police/Brig. Gen. Jonnel Estomo,” pahayag ni Kumar.

Para sa kaalaman ng lahat, hindi lamang mga Chinese o Filipino-Chinese ang kadalasang nabibiktima ng kidnapping syndicate sa bansa.

Marami ring Indian o Filipino-Indian na naghahanapbuhay sa bansa ang madalas na nabibiktima ng pagdukot at iba pang krimen subalit pinipili na lamang manahimik.

Kaya naman naniniwala tayo na sa pagpasok ni Kumar sa advisory council ng PNP-AKG ay mas magiging epektibo ang mga hakbanging ilulunsad ng mga awtoridad para sa proteksyon sa mamamayan.

Makati City Pabakuna

Hindi rin napuputol ang pagbibigay ng ayuda ni Kumar hindi lamang sa mga higit na nangangailangan sa gitna ng pandemya kundi maging sa ating mga frontliners.

Katunayan kasabay ng panunumpa ni Kumar bilang pinakabagong miyembro ng advisory council ay nagbigay din ito sa PNP-AKG ng anim na units ng laptops at limang unit ng four-in-one printers upang makatulong sa kanilang operasyon.

Sinuportahan din ng grupo ni Kumar ang AKAP Kapatid Program ni PNP chief, Police General Debold Sinas sa Iloilo sa pamamagitan naman ng Helpline on Wheels ng FICWSI.

Kabuuang 100 bisikleta ang dinala nina Kumar sa Iloilo para maibigay sa mga dating rebelde na nagbalik-loob na sa gobyerno.

Bukod sa mga pulis, namahagi rin sina Kumar ng bisikleta sa mga ordinaryong mamamayan para makatulong sa kanilang negosyo at maging sa pagtungo sa kanilang mga trabaho.

Kabilang sa nabigyan sina Ma. Josephine Lopez, ng Bgy. Olympia, Makati City, na naisakatuparan na ang kanyang food delivery business.

Naging magaan naman ang biyahe ng machine operator na si Pepito Pili ng Honradez, Bgy. Olympia, Makati City, dahil din sa bisikletang handog ng FICWSI.

Bahagi ito ng pakikipagtulungan ni Kumar sa Sts. Peter and Paul Parish at sa Rotary Club of Makati Nielsen.

Tunay ngang walang boundary ang pagtulong at pag-aasam na makapagbigay ng maayos na pamumuhay sa lahat katulad ni Kumar na isang Filipino-Indian subalit buong-buo ang malasakit para sa lahat.

Umaasa tayo na mas marami pang ‘Kumar’ na magpapatuloy sa paglilingkod sa ating bayan.

Publication Source :    People's Journal
Marlon Purificacion
Journalist At Large