Home>Editorial>Opinion>Mga magnanakaw sa kompanya
Opinion

Mga magnanakaw sa kompanya

HINDI ko alam kung bakit may mga empleyadong kayang nakawan ang kompanya na nagpapakain sa kanilang pamilya.

May mga kaibigan akong negosyante na palaging nabibiktima ng mismong mga katiwala at malalapit nilang empleyado. Minsan nga, iyong most trusted mo na hindi mo inaasahan ang siya pang pasimuno ng nakawan.

Iyong isang kaibigan kong may beerhouse, kakaiba ang pagnanakaw na ginagawa ng kanyang mga empleyado. May sariling kahon-kahon na beer na nakatago. Pinapalitan nila ng beer ang mga naoorder ng kostumer kaya nagtataka ang may-ari kung bakit hindi nauubos ang beer pero ang daming tao sa beerhouse niya. Ano iyon, gatas at pulutan ang order magdamag?

Ibig sabihin, kung P150 ang presyo ng beer sa beerhouse, dinudugas lahat iyon ng mga magkakasabwat na empleyado mula sa waiter, captain waiter hanggang sa floor manager. Kung P30 per bottle sa tindahan ang kuha nila ng beer, tubo sila ng P120 kada bote. Renta ng negosyante, kuryente’t tubig ng negosyante, supplies ng negosyante, tapos, sinasahuran pa ang mga magnanakaw na empleyado. Ganoon sila kawalanghiya!

Iyong isa ko namang kaibigan, binalasubas din ng mga sarili niyang empleyado. Itinatago naman ang mga perishable items para hindi mabili tapos, may dahilan na sila iuwi dahil malapit nang mag-expired ang produkto. Imagine, namumuhunan ang negosyante para makabawi sa kanyang mga investment, dinudugasan lang pala siya ng mga empleyadong sakim!

Iyong iba naman, may kakaibang gimik. Nagkaroon kami ng coffee shop sa LTO area at sa Domestic at International airport at isang ospital sa Maynila. Ang istilo naman ni empleyado, may sariling tindahan sa loob ng aming coffee shop. Kapag wala pala kami, ang nakalabas ay mga garapon ng tinda niyang hopia, nilagang itlog, noodles at iba pa. Kaya pala mahina ang benta ng mga main products namin, ganoon pala ang ginagawa niya kahit saan siya ma-assign. Tindi di ba?

Ito ang mas magandang kuwento, nagkaroon ako ng water station na binili ko sa isang negosyante. May dinatnan akong dalawang empleyado na ang sahod ay P2,000 at isang P2,500. Dahil ayaw kong mawalan sila ng trabaho, kinuha ko na rin pero itinaas ko pa ang sahod sa parehong P4,000 para hindi naman argabyado.

Binigyan ko pa ng quarters na matutulugan para hindi na sila uupa ng bahay. Kung minsan, may abot pang pangkain.

Nang minsan madaan ako ng linggo, alam kong sarado ang water station, nagulat ako dahil nakabukas at may nagre-refill. Iyong isa naman, nakasalubong ko, nagde-deliver sa mga pabrika.

Nang busisiin ko ang logbook ng benta, wala ang Sunday sales. Tsaka ko na lang nadiskubre na ganoon na pala ang sistema nila, iyong delivery nila ng Linggo, raket pala nila iyon sa loob ng mismong kompanya na kumalinga sa kanila. Hayun, isinara ko na lang, hindi bale nang malugi sa sarili kong desisyong ipatigil ang operasyon kaysa malugi ka na ninanakawan ka lang ng mga taong gusto mong tulungang mabuhay.

Ngayon, ano bang gusto kong ipunto sa mga kuwentong ito? Simple lang, kaya maraming mga Pilipino ang nanatiling mahirap dahil ayaw nilang pagmalasakitan ang mga kompanyang umaaruga sa kanila. Gusto nila iyong ugaling tulisan, gusto nila iyong taong tumutulong sa kanila ay saksaksin sa likod. Mas masahol pa sila sa makamandag na ahas!

Anong klaseng mga empleyado ang kayang sikmurain ang pagnakawan ang mga taong nagtatawid sa kanila sa gutom sa araw-araw?

Ang ending, hanapin mo iyong mga taong nagnakaw sa kanilang mga kompanya, lahat yan ay hikahos pa rin hanggang ngayon at kung mamalasin, wala pa ring trabaho! Hindi nila alam na malas sa buhay ang pagnanakaw sa kompanyang bumubuhay sa iyo.

Ang masakit dito, tumatagos ang karma pati sa pamilya nilang wala namang kinalaman sa kanilang kawalanghiyaan.

Kaya kapag nakatagpo ka ng empleyado na may malasakit sa kompanya, aba’y para ka na ring nakasisid ng perlas sa pusod ng dagat! [email protected]