Home>Editorial>Opinion>Mga telco pinaghahanda sa holiday season
Opinion

Mga telco pinaghahanda sa holiday season

KUNG ikukumpara sa mga nakaraang taon, inaasahan na mas magiging mataas ang demand sa paggamit ng internet ngayong panahon ng Kapaskuhan.

Bukod kasi sa mga regular na paggamit sa mga nakalipas na taon, maidadagdag na ang mga patuloy na nasa sistema ng work from home at maging ng mga distance learning lalo pa’t posibleng magtuloy-tuloy ang pag-aaral kahit na Christmas season.

Kaya naman, nararapat lang ang paalala ng National Telecommunications Commission (NTC) na dapat mas paigtingin ng mga telecommunications company ang panahong ito.

Sa inilabas na memorandum ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba, sa mga susunod na araw tiyak na tataas ang demand sa paggamit ng network dahil maging ang mga Christmas party, get together, year-end party at iba pang pagtitipon para sa holiday season ay virtual na gagawin.

Sinabi ni Cordoba na simula noong December 7 hanggang sa January 8, dapat ay magroon ng “heightened level of emergency preparedness” ang mga telco para masigurong walang magaganap na disruption o downtime.

Inatasan din ni Cordoba ang mga telco na madaliin ang kanilang maintenance efforts, taasan ang internet/broadband capacities, at tiyakin ang pagkakaroon ng business continuity.

Hindi rin kailangang kalimutan ang pagtitiyak na handa 24/7 ang disaster recovery protocols.

Kamakailan, lumitaw sa pag-aaral ng Ookla na patuloy na bumubuti ang serbisyo ng internet sa bansa.

Ang Ookla ang global leader sa mobile and broadband network intelligence, testing applications at technology.

Ayon sa Ookla, para sa fixed broadband latest report, nakasaad na sa average download speed na 28.69Mbps, umabot sa 262.71% ang increase mula sa dating download speed na 7.91Mbps nitong July 2016.

Samantala, ang overall mobile network performance ay nagbunga ng average download speed na 18.49Mbps na may pagtaas ng 148.52% mula sa speed na 7.44Mbps noong July 2016.

Ang consistent increase sa internet speed ay nangyari sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic-related lockdowns at naghudyat ng infrastructure roll-out at maintenance ng cell sites sa iba’t-ibang lugar sa bansa simula March 2020.

Kabilang sa mga lugar na matinding hinagupit ng mga naturang kalamidad ay ang Region II, NCR, CALABARZON, Central Luzon at mga karatig lalawigan, Oriental at Occidental Mindoro, Quezon province, Bicol Region, Northern at Eastern Samar, CARAGA, Bukidnon at Davao del Norte.

Ang improvement ay dumating sa tamang panahon habang ang telco services ay sinisikap na makamtan ang 500% increase sa demand ng internet services dahil sa pagtaas ng work, education at entertainment-related usage dahil sa pag-iral ng community quarantine guidelines.

Nakakatuwa ang pagiging aktibo ng NTC na naipaparamdam hindi lamang sa mga telco kundi maging mga susbscribers ang kanilang pagtupad sa kanilang mga tungkulin na tiyakin ang maayos na serbisyo para sa lahat.

Kung tayo naman ang tatanungin, hindi lamang ngayong panahon ng Kapaskuhan kung hindi dapat all seasons ang paghahanda ng mga telco.

Dapat araw-araw ang kanilang pagpapalakas dahil sa ating karanasan, dito pa lamang sa Metro Manila ay may mga lugar nang mahirap makakuha ng signal, paano naman sa mga rural areas.

Mabilis ang pagbabago ng panahon kaya dapat mabilis din ang pagsunod natin sa teknolohiya. Hindi dapat tayo mapag-iwanan at patunayan nating kayang-kaya ito ng Pilipinas.