Home>News>Nation>Mister sinapak misis sa harap ng 6 na anak, kulong

Mister sinapak misis sa harap ng 6 na anak, kulong

TINAPOS ng 41-anyos na ginang ang dinaranas na kalupitan sa kamay ng sariling asawa matapos magpasiyang ireklamo ang mister nang muli siyang sapakin sa harap ng kanilang anim na anak Sabado ng gabi sa Taguig City.

Mistulang nagising na sa matagal na bangungot si Aling Erlinda matapos makalog ang utak nang muling dumapo sa kanyang mukha ang kamao ng asawang si Baltazar Almujuela, 49, dahil lamang sa simpleng pagtatalo dakong -8:30 p.m, sa loob ng kanilang tirahan sa Sitio Maliwanag, Bgy. Western Bicutan.

Dito na humingi ng tulong si Aling Erlinda sa mga opisyal ng barangay sa kanilang lugar na naging dahilan upang dakpin si Baltazar nina Sherwin Versoza at Ronnel Cabual, kapuwa Barangay Law Enforcers, bago dinala sa himpilan ng pulisya.

Makati City Pabakuna

Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya na halos 26 na taon ng nagsasama bilang mag-asawa ang dalawa at sa kabila ng hindi magandang pagtrato ni Baltazar sa asawa, nabiyayaan pa rin sila ng anim na anak.

Sa pahayag ni Erlinda sa pulisya, madalas umano siyang sinasaktan ng kanyang mister subalit tinitiis na lamang ang nararanasang kalupitan sa kamay nito sa pag-asang magbabago rin ang mister, bukod sa isinaa-alang-alang din niya ang kanilang mga anak.

Gayunman, nabigo ang ginang sa inaasam na pagbabago ng ugali ng asawa matapos na muli siyang sapakin ng mister nang magkaroon sila ng simpleng argumento habang nakamasid ang kanilang mga anak.

Publication Source :    People's Tonight