Home>News>Metro>MMDA kawani na lumalabag sa batas trapiko di kukunsintihin

MMDA kawani na lumalabag sa batas trapiko di kukunsintihin

HINDI kukunsintihin ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos ang sinuman sa kanilang mga kawani na mahuhuling lumalabag sa batas trapiko.

Pahayag ito ni Abalos makaraang ipadala sa kanya ang larawang natunghayan sa social media kaugnay sa ilegal na pagparada ng dalawang miyembro ng Motorcycle Unit ng ahensiya sa kahabaan ng Mapagmahal Street, Barangay Pinyahan, Quezon city Martes ng hapon.

Sinabi ni Abalos na ipinatawag at iniutos na niya na tikitan ang dalawang Motorcycle traffic enforcers kahit pa nga ano man ang kanilang maging katuwiran dahil nilabag nila ang batas trapiko kaugnay sa pagparada sa no parking zone.

Napag-alaman na kabilang ang dalawang Motorcycle Traffic Enforcer ng MMDA na umaagapay sa pagde-deliver ng mga bakuna sa iba’t-ibang pagamutan sa Kamaynilaan at pumarada lamang sila sa lugar upang kumuha ng gas coupon.

Makati City Pabakuna

Gayunman, sinabi ni Abalos na hindi sapat na dahilan ito para labagin na nila ang umiiral na batas trapiko lalu na’t sila ang nagpapatupad nito kaya’t nararapat lamang na maging ehemplo sila upang hindi tularan ng iba.

Nanawagan din si Chairman Abalos sa mamamayan na i-report sa kanilang ahensiya ang anumang pagkakamali, iregularidad, maling gawain at katiwalian ng kanilang mga kawani dahil hindi nila kinukunsinti ang ganitong uri ng mga gawain.

Hinimok din niya ang publiko na kuhanan ng larawan o video ang makikitang paglabag na ginagawa ng kanilang mga kawani at ipadala ito sa MMDA Facebook o itawag sa kanilang Metrobase 136.